Written by PI 100 (The Life and Works of Jose Rizal) THV3 Class | Edited by Paula Dominique Albayda
Posted on June 24, 2024
Sa umaga ng Lakbay-Aral noong ika-26 ng Mayo, 2024, nagngangalit ang ulan sa Metro Manila dahil sa Bagyong Aghon. Nag-agam-agam ang klase kung itutuloy ang aktibidad dahil sa masamang panahon at posibilidad ng pagbaha sa Maynila, lalo na’t dahil binalak naming libutin ang Intramuros sa paglalakad. Lahat ng aming paghahanda ay nakatuon kontra sa matinding init. Sa kabalintunaan, malakas na ulan at hangin pala ang magiging kasama namin. Sa huli, napagpasyahan ng karamihan na ituloy ang Lakbay-Aral. Bumuo kaming muli ng mga bagong safety measure at contingency plan na angkop sa panahon.
Ang Lakbay-Aral na ito ay isang bahagi ng gawaing pangklase sa PI 100 sa ilalim ng pagtuturo ni Dr. Nancy Kimuell-Gabriel. Kasama sa Lakbay-Aral ang paglalakad sa Intramuros, Maynila at pagbisita sa mga makasaysayang lugar at gusali rito, kabilang ang Manila Cathedral, San Agustin Church, Casa Manila, Bahay Tsinoy, at Fort Santiago, partikular na ang Rizal Shrine.
Sa gawaing ito, inaasahan namin na maintindihan nang lubos ang kasaysayan ng Pilipinas noong ika-19 na siglo, ang pook at panahon ng ting bayaning si Gat Jose Rizal. Gayundin, inaasahan na mapapayaman ang aming kaalamang panlipunan at kultural, lalo na ang mga pamana at ambag ni Rizal sa ating lahi at kasaysayan.
Litrato ng mga estudyante habang naglalakbay-aral sa Intramuros, Manila
Nakumpleto ang aming klase sa unang destinasyon, ang Manila Cathedral. Sinimulan namin ang paglilibot sa pamamgitan ng isang talakayan sa labas ng simbahan tungkol sa kasaysayan ng Simbahan at ng Intramuros, ng kaunlaran ng kalakaran sa Maynila bago pa man dumating ang mga Kastila, at ang labanan ng mga Rajah na humantong sa tuluyang pagsakop ng mga Kastila.
Nagsimula kami sa Manila Cathedral dahil sa institusyon na sinisimbolo nito. Isa sa mga pangunahing dahilan ng mga Kastila upang bigyang katwiran ang kanilang pananakop ay ang paglaganap ng Kristiyanismo, at kinalaunan ang korapsyon, at pang-aapi ng mga prayleng kastila sa mga Pilipino, isa sa mga danas na binigyang diin ni Rizal sa kanyang mga nobela.
San Agustin Church ang pangalawang pinuntahan namin noong linggo. Ang San Agustin Church ay isa sa mga pinakamatandang simbahan sa Pilipinas, isa ito sa mga natirang gusali pagkatapos ng World War II. Ang nakikitang simbahan ngayon ay pangatlong bersyong itinayo dahil dalawang beses na ito nasunog. Sa pangatlong pagtatayo ay gumamit ng mga bato sa takot na masunog ito ulit kasama ang monasteryo.
Dumating kami doon ng malapit mag alas-9 ng umaga at hindi pa nagsisimula ang misa, kumbaga, ito ay naka-iskedyul na magsimula ng alas-10 ng umaga. Dahil dito, naikot namin ang loob ng simbahan nang maayos at hindi nakagambala sa pagsisimba ng mga tao sa umagang iyon.
Ang Casa Manila ang naging ikatlong destinasyon ng buong klase. Ang buong bahay ay yari sa bato at kahoy at nakamodelo sa Kastilang arkitektura. Ang panloob na dekorasyon gaya ng mga muwebles ay nanggaling mula sa iba’t ibang bahagi ng Europa at Tsina. Makikita rin sa loob ang mga pader na may pintura, mga nakasabit na krystal na mga chandeliers, mga Chinese ceramics o fine China, at iba pang mga kagamitan na nagpapakita ng luho at elitismo noong ika-19 na siglo. Mahalagang makita ang ganitong lugar dahil ipinapakita nito ang kultura ng mayayamang Pilipino noong unang panahon. Kabilang dito ang arkitektura at disenyong pang-interyor ng bahay na nagpapakita rin kung paano lumaganap ang marangyang pamumuhay sa panahong iyon.
Mga litrato ng Casa Manila Museum na kinunan ng mga estudyante
Pagkatapos namin lumibot sa Casa Manila ay dumayo naman kami sa aming pang-apat na destinasyon. Ang Bahay Tsinoy ay itinayo noong 1999 ng Kaisa Para Sa Kaunlaran Incorporated, isang organisasyon ng mga Tsinoy sa bansa, na naglalayong maitaguyod ang kasaysayan at mga kultural na pamanang iniwan ng mga Tsinoy sa bansa. Sa museong ito, nakita namin kung paano naimpluwensiyahan ng mga Tsino ang iba’t ibang aspeto ng buhay sa Pilipinas.
Lumitaw rin sa kasaysayan na natuklasan namin sa museo ang pakikisama ng mga Tsino sa mga Pilipino laban sa mapang-abusong kolonisasyon ng mga Kastila at pati na rin sa mga Amerikano. Mayroong mga tanyag na pangalan na kinikilala bilang mga bayani na may lahing Tsino tulad nina Gomez ng GomBurZa, ang Trece Martires of Cavite, Pedro Paterno, at pati na rin si Jose Rizal, na pinakita sa museo kasama ng kanilang papel sa digmaan. Kinilala rin si Heneral Ignacio Paua, isang purong Tsino na sumama sa Katipunan upang labanan ang rehimeng Kastila at Amerikano. Dahil dito, kinilala siya ni Pilipinong Mananaysay Teodoro Agonicllo na “more Filipino than many Filipinos” at sa kasalukuyan ay may bantayog na inialay para sa kanya sa Bicol.
Ang Fort Santiago ay isang makasaksayang lugar na itinayo noong 1571 sa pangunguna ni Miguel López de Legazpi. Ito ay nagsilbing kuta ng mga kastila bilang depensa laban sa banta ng mga dayuhang mananakop. Sa parehong lugar rin ikinulong ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal dahil sa paggawa niya ng mga akdang naglantad sa pagsasamantala at kalupitan ng mga Espanyol. Noong Ikalawang digmaang pandaigdig, ang nasabing pook ay ginamit ng mga Hapones bilang lugar ng tortyur at bilangguan. Sa kasalukuyan, itinuturing na mahalagang pook ang Fort Santiago hindi lamang dahil sa kasaysayan nito, kundi pati na rin sa turismo. Patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Maynila upang mapanatili ang mga pasilidad at siguraduhin ang kaligtasan ng mga turista.
Mga litrato ng Fort Santiago na kinunan ng mga estudyante
Nagtungo rin ang klase sa Rizal Shrine, kung saan matutumbok ang karsel na nagsilbing tirahan ni Rizal noong ika-3 ng Nobyembre hanggang ika-29 ng Disyembre, 1896. Bago ito matunton, binati muna kami ng isang malaking kahel na miyural na gumugunita sa huling limang buwan ng ilustrado — mula sa kanyang pagtakas sa Dapitan patungong Espanya hanggang sa kanyang pagbitay.
Sa kabilang bahagi naman matatagpuan ang pulang dingding na naglalahad ng mga kasong isinampa kay Rizal, tulad ng “rebelyon, sedisiyon, at pagtatag ng bawal na lupon.” Makikita rin dito ang rebulto ng isinigawang paglilitis at ang obra maestra ni Guillermo Tolentino.
Bilang pagpupugay sa buhay ng bayani, hindi pinalampas ang kanyang mga alaala noong kabataan, maging ang kanyang mga iginuhit at nililok na mga mukha at pigura. Labis na ipinakita rito ang angking talento ni Rizal, hindi lang sa siyensya ngunit maging sa larangan ng sining. Sa pinakamadilim na bahagi nitong dambana ay masisilayan ang pigura ng isang lalaking tila pinagkaitan ng pag-asa — ito si Jose Rizal nakamasid sa kanyang silid piitan.
Talagang binuhay ng aming lakbay-aral ang pagka-Pilipino ng bawat isang dumalo. Kakaiba ang pakiramdam na mabalikan ang mga lugar na saksi sa madugo at mahirap na kasaysayan ng ating bansa. Nakakapanindig-balahibo ang masaksihan at makita sa personal ang mga gusali maging mismong lugar na tinayuan ng ating mga bayani, na lumaban para sa kalayaan na tinatamasa sa ngayon. Ang lakbay aral ay naging makulay at mabunga sa pagbibigay impormasyon para sa bawat mag-aaral na dumalo. Naging maulan man habang naglalakbay aral ay naging masagana naman ang kaalaman na napulot ng bawat isa sa amin. Ang Intramuros ay dapat mapangalagaan ng bawat isa sa atin dahil ito ang tumatayong simbolo ng mayamang kasaysayan ng ating bansa.
The article is a collaborative work written by the entire PI 100 THV3 class from the Second Semester, A.Y. 2023-2024.