Justin Andre D. Sarmiento (BA Philippine Studies) | PS 21 [Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas] WFU-1 Class

Posted on January 10, 2025

Isang bahagi ng kinakailangang aktibidad sa klase ng PS 21 – Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas ang Lakbay-Aral sa Bantayog ng mga Bayani, na itinuro ni Dr. Nancy Kimuell-Gabriel noong ika-14 ng Oktubre, 2024. Ang layunin ng lakbay-aral na ito ay mapalalim ang kaalaman at pag-unawa ng mga mag-aaral sa kasaysayan ng Batas Militar, sa pamamagitan ng pagbisita sa Bantayog at mga eksibit na nagtatampok ng buhay at sakripisyo ng mga martir at bayani na nakipaglaban noon at mga artepakto at materyal na pumapatungkol sa mga naratibo’t danas ng sambayanan sa panahon ng Diktaduryang Marcos. Ang paglabas sa silid-aralan at ang aktwal na pagbisita sa mga museo o sa mga pook na may makasaysayang halaga ang isang mabisang paraan upang mapalalim at mapagtibay ng mga mag-aaral ang kanilang mga natutuhan sa mga babasahin, lektura, at talakayan sa kanilang klase.

Saksi ang kasaysayan sa madudugong pangyayari noong Batas Militar. Sa kabila nito, maraming Pilipino ang naglaan ng husay at dedikasyon upang maipakita’t maisapubliko ang mga simbolo ng nakaraan sa anyo ng sining at artepakto, tulad ng Inang Bayan Monument na matatagpuan sa Bantayog ng mga Bayani Center. Ito ay dinisenyo ni Eduardo Castrillo at ayon sa aming unang tagapatnubay sa lakbay-aral, binibigyang-pugay nito ang mga Pilipinong nagbuwis ng buhay para sa karapatan, katarungan, at kalayaan. Sumisimbolo ito ng tapang at sakripisyo laban sa diktadura at nagsisilbing paalala na bantayan ang demokrasya laban sa pagtatangkang burahin ang kasaysayan.

Sunod naming pinuntahan sa Bantayog Center ang Wall of Remembrance, kung saan nakaukit ang mga pangalan ng mga martir at bayani na buong tapang na nag-alay ng buhay at lumaban sa panahon ng Batas Militar. Sa aming paglalakad sa paligid nito, aming pinagmasdan at dinakila isa-isa ang mga pangalan na nakalagay rito sa pamamagitan ng pag-aalala sa kanilang mga sakripisyong ginawa para sa bayan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ni Prop. Nancy at ng aming tour guide, nabatid namin ang buhay at kwento ng mga bayani tulad nina Sen. Ninoy Aquino, Sen. Jose Diokno, Fr. Cardinal Sin, at iba pa, na may malaking kontribusyon sa pagtataguyod ng ating mga karapatan at kalayaan. Isa sa mga martir ng Batas Militar na lubos na tumatak sa akin ay si Macli-ing Dulag, ang pinuno ng Butbut tribe sa Kalinga, na matatag na nanindigan laban sa pagpapatayo ng Chico River Dam sa Hilagang Luzon. Talagang hindi matatawaran ang kanyang tapang, dedikasyon, at sakripisyo na ginawa para sa mapayapang pakikibaka at pagtatanggol sa mga karapatan at lupang ninuno ng mga katutubo ng Cordillera na walang-pakundangang nilabag at inabuso ng Rehimeng Marcos Sr. noon.

Maliban sa pag-oorganisa ng mga kilusan at pagpapakalat ng mga impormasyon, ginamit din ang sining bilang isang makapangyarihang kasangkapan ng pakikibaka at paglaban noong panahon ng Batas Militar. Kaya sa pagsisimula ng ikalawang bahagi ng aming lakbay-aral tour, nagtungo kami sa loob ng Jovito R. Salonga Building kung saan matatagpuan ang iba’t ibang anyo ng sining tulad ng mga pinta, mural, iskultura, malikhaing infographics, mga historikal na larawan, at iba pang multimedia installations patungkol sa mga danas ng mga Pilipino upang ipahayag ang paglaban sa diktadura, itaguyod ang kamalayan ng masa, at labanan ang panunupil sa karapatan at kalayaan.

Isa sa mga prominenteng likhang sining na sasalubong sa mga bisita sa pagpasok sa gusali ay ang “Repression and Resistance,” isang kalipunan ng mga pinta na nilikha ng iba’t ibang progresibong artista na aktibo sa pakikilahok para sa kilos protesta noong panahon ng Batas Militar. Ito ay interpretasyon ng Batas Militar na may temang pumapatungkol sa iba’t ibang danas ng mga Pilipino tulad ng panunupil, karahasan, pagyurak sa karapatang pantao, at pati na rin ang paglaban at pag-aalsa sa mapagsamantala at mapaniil na diktadura. 

Makikita naman sa magkabilang gilid ng pinta ang kahoy na iskultura ng katawan ng tao na napapakuan na pinamagatang “Utang na Labas” ni Jerry Araos. Ipinapakita naman nito kung paano napako sa malaking utang ang mga henerasyon ng mga Pilipino na idinulot ng mahabang panunungkulan ni Marcos Sr. Habang aking tinititigan ang iskulturang ito, tila nararamdaman ko ang hapdi, sakit, at bigat ng bawat pakong nakabaon sa katawan nito dahil isa ako at aking pamilya sa tuwirang nakararanas epekto nito hanggang kasalukuyan. Napakahirap at napakasakit pasanin ng bilyong utang na iniwan sa atin ng Rehimeng Marcos, at tiyak kong ramdam ito ng mga Pilipino—mga manggagawa, magsasaka, mahihirap, at ibang pang kabahagi ng mayorya ng lipunan—masang patuloy na dumadaing sa matinding epekto ng pagbabayad ng pambansang utang, isang pasanin na hindi naman natin dapat tinataglay sa simula pa lamang.

Retrato ng mga Sining Biswal – ‘Repression and Resistance’ at ‘Utang na Labas’ | Kinunan ni Justin Andre Sarmiento

Sa ikalawang palapag ng gusali matatagpuan ang Museo ng Bantayog. Dito nakalagay ang mga larawan, mga balita sa dyaryo, replika ng iba’t ibang mga bagay tulad ng tanke at piitan ng mga bilanggong politikal, at iba’t ibang memorabilia patungkol sa Batas Militar. Matatagpuan naman sa labas ng museo ang Hall of Remembrance mayroong mga larawan at maikling talambuhay ng mga martir at bayani. Sinamahan at ginabayan kami ni Ma’am Susan D. Macabuag sa paglilibot sa ikalawang bahagi ng aming lakbay-aral. Siya ang aming ikalawang tour guide—isang aktibista at miyembro ng Samahan ng Demokratikong Kabataan (SDK) noong panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. 

Habang naglilibot kami sa museo, nagbigay siya ng maikling diskusyon tungkol sosyal na istruktura ng lipunan nang mapatigil kami sa larawan ng tatsulok na sumisimbolo rito. Isa sa mga naipukol niyang tanong ay “kailan kaya mararanasan ng mga mayorya, mga magsasaka’t manggagawa na nasa laylayan, ang mapunta sa taas at maayos na kalagayan sa lipunan?” Dali-daling sumagi sa isip ko ang kantang “Tatsulok” ni Bamboo at aking hinaraya ang pagkakataong ang tatsulok ay naibalaktad at ang masa na ang nasa itaas nito. Ngunit nananatili pa rin ang tanong “kailan ito maisasakatuparan?”

Sa kasalukuyan, isa sa siya sa mga namumuno at tagapangasiwa ng Bantog ng mga Bayani. Bilang isang indibidwal na nabuhay at tuwirang nakaranas sa ilalim ng pamumuno ng dating diktador, siya ay maituturing na isang primaryang batis ng mga kwento at impormasyon sa mga aktwal na kaganapan noong Batas Militar. Ang mga alaala at karanasan niya ay naging epektibong gabay sa pagtuturo ng mga mahahalagang yugto ng Batas Militar at EDSA People Power Revolution—mga pangyayaring hindi dapat limutin sa isipan ng sambayanang Pilipino. 

Ang hangarin ni Ma’am Susan na maisalaysay ang katotohanan at ang kaniyang mga danas, pati na rin ang pagnanais namin, mga mag-aaral ng PS 21, na matuto tungkol sa kasaysayan ng Batas Militar ang naghuhugpong sa isang mahalagang layunin: ang pagpapatuloy ng laban ngayon sa kasalukuyan—na panatilihing buhay ang diwa’t alaala ng mga Pilipino sa mga malalagim na pangyayari sa panunungkulan ni Marcos Sr., na pilit ibinabaon sa limot at binubura sa ating kamalayan sa pamamagitan ng rebisyonismong historikal at pagpapakalat ng mga disimpormasyon ukol dito sa panahong kasalukuyan. Tulad na lamang ng pilit na pagtanggi ni Marcos Jr. sa mga atrosidad na naganap sa ilalim ng Rehimeng Marcos Sr., pati na rin ang pagtatanghal sa panunungkulan ng kanyang ama bilang “maganda” at nagdulot ng “modernisasyon” sa bansa—mga pahayag na salungat sa mga datos at katotohanang naitala sa ating kasaysayan. 

Sa huling yugto ng aming Lakbay-Aral sa Museo ng Bantayog, ipinanood sa amin ang ilang maiikling bidyo tulad ng Life under Marcos: A fact-check ng ABS-CBN News, at ilang bidyo mula sa Martial Law Series ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Ambassador Alfonso T. Yuchengco Auditorium. Itinampok sa mga bidyong ito ang pagtatama sa mga ‘di makatotohanang impormasyon na ipinapalaganap sa internet at sa social media patungkol sa mga Marcos pati na rin ang mga makabuluhang pagsasalaysay at pagpapaliwanag sa mga makabuluhang pangyayari noong Batas Militar na makatutulong sa pagmumulat ng kaisipan ng mga manonood nito at pagpepreserba ng kasaysayan ng ating bansa. Isang epektibong paraan ang paggawa ng mga bidyong ito na naglalaman ng infographics tungkol sa Batas Militar upang mas madaling maiparating ang mga mahahalagang impormasyon at kasaysayan sa mas maraming tao.

Retrato ng panonood ng ilang maikling bidyo ukol sa Martial Law sa Yuchengco Auditorium | Kinunan ni Justin Andre Sarmiento

Sa aming paglisan, bitbit namin ang mahahalagang aral na aming napulot sa pakikinig, pagmamasid, at sa pag-aaral at pagsusuri ng mga memorabilia, litrato, datos, sulatin, at mga mapanlikhang obra na pumapatungkol sa Batas Militar. Ang Lakbay-Aral sa PS 21 ay Isang magandang oportunidad para sa amin, mga mag-aaral, upang mahubog at maihanda sa paglaban sa patuloy na pagtatangka na ibaon at limutin ang katotohanan ng kasaysayan sa pamamagitan ng disimpormasyon at negatibong rebisyonismong historikal. 

Bilang mga Iskolar ng Bayan, dala-dala namin ang tungkuling magsilbing kasangkapan ng pagpapalaganap ng katotohanan at pagbabago para sa ikabubuti ng ating lipunan. Higit sa lahat, bahagi ng aming layunin ang ipagpatuloy ang laban na matagal nang sinimulan ilang taon na ang lumipas sapagkat hindi naman ito natapos sa pag-aalsang naganap noong EDSA Revolution 1986. Ito ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon, lalo na at muli na namang bumalik sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos. Kinakailangan ng ating bansa ang mga indibidwal na mulat, kritikal, at handang lumaban sa panunupil, pagsasamantala, at pagtatangkang pagyurak sa karapatan ng bawat Pilipino. Never Again. Never Forget.

Retrato ng PS 21 WFU-1 Class kasama sina Dr. Nancy Kimuell-Gabriel at Ma’am Susan D. Macabuag

Justin Andre D. Sarmiento is a first-year BA Philippine Studies student. This write-up, prepared for their Lakbay Aral in PS 21 – Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas, reflects their insights and realizations gained from visiting the Museo ng Bantayog ng mga Bayani.