PI 100 WFV Cuties | PI 100 [The Life and Works of Jose Rizal] WFV Class
Posted on January 17, 2025
Ang aming lakbay-aral sa Intramuros at Fort Santiago para sa PI 100 Class ay naging isang makabuluhang karanasan na nagbigay-daan upang mas malalim na maunawaan ang kasaysayan at buhay ni Jose Rizal. Para sa marami sa amin, ang Fort Santiago ang naging pinaka-litaw na bahagi ng biyahe. Sa pagpasok namin sa pook ng selda kung saan nakulong si Rizal, damang-dama ang bigat ng kasaysayan. Naisip namin ang kanyang mga huling sandali bago ang pagbibitay sa Bagumbayan, marahil may ilan sa amin na nabasa na ang Mi Último Adiós at iniisip ang kanyang sakripisyo para sa bayan. Ang lugar na ito ay tila nagpapakilala sa amin ng isang bagong perspektibo tungkol sa bayaning si Rizal sa kasalukuyan; hindi lamang bilang simbolo ng kabayanihan kundi bilang isang taong may damdamin, takot, at pananaw para sa hinaharap ng Pilipinas.
Bukod sa Fort Santiago, naging mahalaga din ang pagbisita sa mga makasaysayang simbahan tulad ng Manila Cathedral at San Agustin Church. Ang grandyosong arkitektura ng mga ito ay nagpapaalala kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ng relihiyon sa ating kultura at kasaysayan. Habang naglalakad kami sa mga lansangang minsan ding tinahak nina Rizal at ng mga Kastila, parang bumalik kami sa nakaraan. Sa Casa Manila naman, naranasan namin ang buhay ng mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila, mula sa mga disenyong interior ng bahay hanggang sa sining at kulturang kanilang tinangkilik.
Karamihan sa amin ang nagkaroon ng mas malalim na pag-unawa, respeto, at pagmamahal para sa ating kultura at mga bayani, kasama si Jose Rizal. Sa pagtahak sa parehong landas ni Rizal, mas napatunayan namin na isa rin siyang ordinaryong mamamayan katulad natin na nagmahal at nagmamahal sa bayan. Hindi man siya naging perpektong Pilipino pero naghirap at ipinaglaban niya ang kanyang mga paniniwala sa kalagitnaan ng kaapihan.
Mahalagang pagtuunan din ng pansin na ikinalungkot ng ilan ang hindi malaking pag-unlad at pagbabago ng bansa mula sa panahon ng kolonyalismo. Nagpapatuloy pa rin ang mga isyu ng pagkakawalang hustisya, pero ang may sala ngayon ay ang mga Pilipinong nakakaangat at may kapangyarihan na ginagamit ang mga ito para sa ikabubuti ng sarili lamang.
Para sa ilan, ang paglalakbay na ito ang unang pagkakataon na makapasok sa Intramuros, kaya’t lalo itong naging espesyal. Namangha kami sa yaman ng ating kasaysayan at kung paano ito binubuhay sa pamamagitan ng mga lugar na aming pinuntahan. Sa kabila ng kagandahan ng mga estruktura, napaisip din kami sa mga sakripisyo ng ating mga ninuno at ang patuloy na epekto ng kolonyalismo sa kasalukuyang panahon. Sa kabuuan, ang lakbay-aral na ito ay hindi lamang nagbigay ng mga bagong kaalaman kundi nagpaigting din ng aming pagmamahal at pagpapahalaga sa ating sariling kasaysayan at kultura.
This article is a compilation of the entire class’ individual reflections on the Lakbay Aral and was summarized by Isabel de Vera & Elvin Cardeño. The vlog, on the other hand, was shot by Kristian Mendoza with a few clips from the class, masterfully edited by Ralph Allen Prodegalidad.