Vinz Angelo Imperial, Abigaile Hechanova, Maybelle Soliman | Geog 135 WFY

Posted on September 9, 2025

Maagang gumising ang mga kaklase noong Linggo ng Marso 2, 2025 para sa mahabang araw ng paglilibot ng Metro Manila. Bilang rekisito ang academic field activity sa kursong Geog 135, inatasan ang bawat pares sa klase ng isang Geog Stop, kung saan sila ang magiging gabay ng klase sa piniling lugar. Mayroong pitong Geog Stop, at lima rito ay ginabayan ng mga kaklase–sa Recto, Balintawak, Cubao, Ortigas, at sa MOA. Ang una at huling Geog Stop sa Antipolo at sa Pasig River Esplanade naman ay
ginabayan ni Sir Jake, ang aming propesor.

Nilibot ng klase ang Metro Manila sa pagsakay ng pampublikong transportasyon at paglalakad. Tampok rito ang mga linya ng tren–ang LRT1, LRT2, at MRT3–ang EDSA Bus Carousel at ang mga jeep. Sa aming paglalakbay, natuklasan namin ang kung paano nag-iiba ang mukha ng urbanidad sa loob ng Kalakhang Maynila: maaaring magulo at maingay, maaaring malinis at matahimik, maaaring pinabayaan na ng panahon, o sumasabay sa pagbabago nito.

In Photo: Locations visited during the off-campus AFA proper.

Geog Stop # 1: Antipolo

Tila magaan na haplos sa balat ang simoy ng hangin na umihip mula sa bundok habang unti-unting sumisikat araw sa Diocesan Shrine and Parish of St. Therese of the Child Jesus ng Mayamot, Antipolo City. Pagkarating sa istasyon ng LRT Antipolo, nagtipon-tipon ang klase sa kampanaryo ng simbahan kasama si Sir Jake na nagsilbing
gabay sa kasalukuyang lugar. Agad na pinukaw ang aming atensyon ng tanawin, kung saan sa isang banda ay ang napakalinaw na kabundukan ng Rizal; sa kabilang bahagi, kitang-kita ang usok at rinig ang mga kotse sa paligid ng SM Masinag. Ang mga salitang ibinahagi ni Sir Jake patungkol sa Antipolo at Urban Geography ang gumising sa aming mga isipan para suriin nang mabuti kung paano nagkasasalubong ang istruktura ng lungsod: isang patunay na unti-unting nagiging permanenteng espasyo na ngayon ang Antipolo para sa urbanisasyon mula sa Kalakhang Maynila.

Sa pagpatuloy ng aming talakayan, mapagtatanto sa sinabi ni Sir Jake na angpaglaganap ng mga gusali, kalsada, tirahan, at komersyal na espasyo sa Antipolo ay hindi lamang kusang pag-unlad, kundi bunga rin ito ng pagtulak sa mas mataas na kita at paglago ng populasyon sa mga kalapit na kalakhang lugar. Binigyang diin na ang Antipolo, ang dati’y tanyag sa luntiang tanawin, ay naging komportableng pamayanang pangresidente ng mga manggagawa sa Maynila, ang tinataguriang urban core. Subalit, hindi mawala sa isipan ang mga tanong na “Kung patuloy nating yayakapin ang urbanisasyon nang walang hanggan, mababaon kaya tayo sa pagkaubos ng likas na yaman?” Ang mga naririnig at nararamdamang ingay ng tambutso ng mga jeep at pribadong mga sasakyan ay sumasalamin sa pagbabago ng Antipolo. Isang sulyap ng halo-halong tanawin ang nakikita: matatayog na poste ng kuryente, mga billboard, at daanang pantransportasyon. Lahat ay bahagi ng mukha ng lungsod. Hindi maikakaila na isa sa mga basehan ng pag-unlad ay mga gusali o urbanisasyon na dumadagdag sa pagkakakilanlan ng isang lugar, ngunit nakapanghihinayang din ang nasusulyapang ganda ng tanawin na bumubuo rin sa identidad ng Rizal. Sa aming paghihintay ng tren papunta sa susunod na destinasyon, nasaksihan namin ang mga kabahayan sa kabundukan; magtataka ka nalang kung ito ba ay sadya o hindi? Sa panahong ito, malinaw na hindi biro ang bilis ng pagbabago at paglawak ng lungsod dahil kasama rito ang tiyak na pagbawas ng berdeng silungan.

Geog Stop # 2: Recto-Divisoria-Binondo-Quiapo

Mula Antipolo, sumakay ang klase patungong Carriedo station sa LRT-2 at napansin ang transisyon sa pagitan ng pook rural at urban. Mula sa tahimik, maluwang, at ‘di masyadong mataong mga lugar ay napunta sa mga lugar na kabaligtaran ng mga nabanggit. Ang pangunahing lugar na bibisitahin sa unang Geog Stop ay ang Binondo, ngunit maraming makabuluhang lugar at istruktura rin ang nadaanan. Habang naglalakad sa Recto ay maraming napansing mga bilihan, pagawaan, kainan, at iba-ibang mga makikita sa siyudad na puno ng iba’t ibang mga parokyano.

Ang Binondo sa Maynila ay puno ng mga kultural at historikal na lugar tulad ng pinakamatandang China Town at ang Quiapo. Pagbaba pa lamang ng Carriedo station ay napansin ang Carriedo Fountain, isang landmark na galing pa noong panahon ng kolonisasyon ng Espanyol. Kaunting lakad mula doon bago maaabutan ang China Town, kung saan maraming kainan at tindahang puno ng mga produktong maiuugnay sa kulturang Intsik. Iilan sa mga produktong mayroon ay mga ceramic, jade, dimsum, pancit, siopao, at iba pa. Makikita rin sa larawan sa baba ang disenyo ng poste na iilan sa mga istrukturang nakaayon sa historikal na pagkakakilanlan ng lugar.

Kaunti pang lakad mula sa China Town ang Plaza Miranda na may landmark ng simbahan ng Quiapo. Mainit ang paligid at maraming tao ang nakapalibot sa simbahan habang nagmimisa. Dito makikita na nagkakaisa at naghahalubilo ang masa mula sa iba’t ibang kaligiran. Ang lugar na ito ay salugpungan ng iba’t ibang relihiyon, na may dalang historikal at kultural na yaman. Itinayo ang simbahan noong panahon ng Espanyol, habang ang plaza mismo ay naging espasyo ng mga protesta’t pagkikilos noong panahon ng Martial Law at hanggang sa ngayon. Hindi nalalayo rito ang isang mosque at mga dikit-dikit na bilihan at kainan.

Plaza Miranda

Isa sa mga napag-usapang sa heograpiya ng lugar ay ang Binondo bilang sentro ng relihiyon at kultura. Makikita na napapanatili pa ng lugar ang kanyang mga historikal at kultural na pagkakakilanlan. Ngunit isang napansing sulliranin din ang pag-aalaga ng ating mga heritage o pamana sa isang lugar na nalalamon ng urbanisasyon sa paglipas ng panahon. Katulad ng mas bago at malaki na gusali sa likod ng Quiapo Church o ng tinaguriang “pambansang photobomber” sa likod ni Rizal sa Luneta, tila unti-unti ang pagbubura ng nakaraan.

Geog Stop # 3: Balintawak-North Avenue-Trinoma-Vertis North

Mga bandang alas onse ng umaga ay nakarating na kami sa North Avenue pagkatapos sumakay ng EDSA Carousel Bus sa Balintawak. Pumasok muna kami sa malawak na Trinoma para magpalamig at lumusot papuntang Ayala Malls Vertis North gamit ang overpass na masasabi naman nating kumokonekta sa dalawa. Ang Vertis North ay ang mall na tila ba’y isang maliit na munting lungsod. Hindi namin maiwasang magbigay ng reaksyon noong tumapak kami sa mall na ito dahil naiiba ito sa mga katabing mall tulad ng Trinoma at SM North Edsa. Hindi rin siya ganoon katao at alam mo agad kung bakit: mahal ang mga tindahan dito. Isa sa mga tanong ng dalawa naming kaklase na naatasang ilibot kami sa destinasyong ito ay, “Paano nagfu-function ang mga mall bilang isang pampublikong espasyo higit pa sa pagiging isang shopping mall? Anong mga aktibidad ang ginagawa ng mga tao bukod sa pamimili?” Napakagandang tanong na magkatulad sa tanong ko na, “Paano nga ba naging pampublikong espasyo ang mall na ito, bukod sa pagiging simbahan ng konsumerismo?” Masasagot ang dalawang tanong na ito sa aming paglilibot.

Habang iniikot namin ang mall, nakita na maraming mga pamilya ang mga kumakain sa mga sosyaling restawran at kapihan. May ilang namimili ng mga branded
na gamit na madalas mo lang makita sa social media. At, nakapagtataka na hindi agad mahanap ang mga pangkaraniwang kainan tulad ng McDonalds o Jollibee; iyon pala’y nasa pinakatagong palapag siya na akala mo ay tila isang sikretong hindi dapat malaman. Mapagtatanto na sadya ang layout, o ang pagsasaayos ng mga espasyong pinangungupahan ng mga negosyo dahil halos makikita mo hanggang sa pinakamataas na palapag ay mga dolyares ang presyo ng kanilang serbisyo. Samantalang, nasa ilalim ang mga pangkaraniwang mga kainan kung kaya’y maiisip mo rin kung bakit mas tinatao ang SM North Edsa at Trinoma kaysa sa Vertis North. Mas abot-kaya ang mga naunang mall at family-friendly ang mga espasyong ito na madaling mahanap; hindi mo na kailangang pumunta sa mala-sikretong lugar para lang makatikim ng fast food na matagal nang bahagi ng kultura ng Pilipino. Hindi maikakaila na pangmaykaya talaga ang disenyo at istruktura ng Vertis North.

Ngunit, sa gitna ng mga nabanggit, may mga positibo pa ring makikita rito: ang pagiging eco- at pet-friendly nito. Napansin namin ang mga ito dahil sa mga nakapaligid na mga puno o anumang mga luntiang halaman na dumadagdag sa sariwang hangin at mga pusang malayang nakatutulog kahit saan. Makikita natin ang pagiging responsable at ang mga “sustainable efforts” ng Ayala Land, Inc. Dito masasagot ang mga tanong; nagiging at nagfu-function bilang pampublikong espasyo ang Vertis North sa paraan na nagbibigay ito ng silid para makapagpahinga at makapag-bonding kahit sino dahil sa istruktura nito na parang parke. Naiiba ito sa mga tipikal na mall na sarado dahil sentralisado ang aircon. Kahit naman sino na naninirahan sa urban na espasyo ay maghahangad ng mapreskong hangin, hindi ba? Dagdag pa rito—napakaluwag ng mga daraanan, madaling mapansin ang mga palatandaan para sa ating mga parokyano, at malayo sa ingay ng trapik na parang ginawa ito para pahinain ang abala ng paglalakad.

Sa kabila ng paglalarawan sa green spaces nito, nakalulungkot malaman na ang mall na kinatatayuan namin ay dating tahanan ng mga taga-Sitio San Roque, mga
pamilyang napilitang lumikas noon upang bigyang daan ang malawakang pagpapayaman ng lupa. Bagamat itinataguyod ng mall ang eco-friendly na imahen, ang “urban development” na ito ay nagresulta sa mga mahihirap na komunidad na umalis sa kanilang tinitirahan upang bigyang daan ang pag-unlad. Dito makikita ang kontradiksyon sa urban geography, kung saan ang sustainability ng isang proyektong pangkapaligiran o pangkaunlaran ay madalas na hindi sumasaklaw sa karapatan at kapakanan ng mga pinakamaaaring maapektuhan.

Geog Stop # 4: Cubao

Pagkatapos ng paglilibot sa Vertis North, ang klase ay sumakay ng MRT-3 papunta sa susunod na Geog Stop sa Cubao. Sinimulang ibahagi ng ika-apat na grupo ang makabuluhang papel ng Cubao bilang pangunahing transport at commercial hub sa lungsod ng Quezon. Dulot ng ganitong katangian niya, siya rin ay karaniwang daanan ng maraming tao at interseksyon ng iba’t ibang kultura. Inilahad din ng ika-apat na grupo ang mga lugar na dadaanan sa Cubao—ang Farmer’s Market, Araneta Coliseum at Novotel, Cubao Expo, at Araneta Terminal.

Ang Farmer’s Market ay naipatayo noong 1975 at ginawang modernong wet market, o palengke, sa ibaba ng Farmer’s Plaza. Nakilala ito sa pagtitinda ng maraming sariwa at iba’t ibang uri ng prutas, gulay, karne, at bulaklak. Nabanggit na ito ay nakatanggap ng parangal mula sa Quezon City bilang pinakamalinis na palengke.

Matapos ang Farmer’s Market, dumaan ang klase sa Gateway Mall upang mananghalian. Dinala naman ang klase sa tapat ng Araneta Coliseum. Ang lugar na ito ay kilala sa kanyang malaking bubong na pabilog. Naging entablado siya ng mga pagtatanghal tulad ng concert, pageant, kultural na kaganapan, at iba pa. Mapapansin din agad mula sa Coliseum ang Novotel na kilala sa kanyang mga pasilidad at arkitektura na nagbibigay kaginhawaan at nagtatawag atensyon. Pinakita sa planadong disenyo ang magkakatabing Gateway Mall, Araneta Coliseum, at Novotel ang urban morphology kung saan napagsasama sa siyudad ang iba’t ibang aspetong pangmerkado, pangkultural, at pangglobal.

Araneta Coliseum

Sumunod na pinuntahan ang Cubao Expo na kilala dati bilang “Marikina Shoe Expo.” Ang lugar ay nakaranas ng mga pagbabago sa pagdaan ng panahon at ito ay dinadagsa ng mga artista, musikero, at iba’t ibang negosyo. May mga kainan, pagawaan, at bentahan na may kakaiba o masining na likha. Ito ay binanggit din na may “indie bohemian style” na tumutukoy sa isang antigo, natural, at malayang arkitektura at kapaligiran. Dahil dito ay naging kapansin-pansing kultural na lugar ang Cubao Expo sa gitna ng mga modernong istruktura.

Cubao Expo

Sa huli ay nadaanan ang Araneta Terminal na kinokonekta ang malalayong lugar tulad ng Bicol, Ilocos, at Batangas sa mga siyudad ng Metro Manila. Nabanggit na ang pagbiyahe ng mga manggagawa at ang palitan mga produkto ay nagiging posible rin dahil dito. Naging sentro ng diskusyon ang core-periphery dynamics kung saan pinapakita kung paano umaasa ang mga lungsod sa mga hilaw na materyales galing sa ating mga pook rural. Napag-usapan din ang pagkakaisa ng espasyo sa may terminal sa pagitan ng mga bus, UV Express, jeep, at pati na rin ng mga manininda. Ang pagkakaroon ng balanse sa distribusyon o pagbabahagi ng espasyo ay isa sa mga nagbibigay buhay sa lugar.

Araneta Bus Terminal

Geog Stop # 5: Ortigas Center

Pagkatapos libutin ang erya kung saan ang kultura ng lungsod ay umuusbong, dumako naman kami sa lugar kung saan namamayagpag ang mga nagtataasang gusali. Ito ang sentro ng negosyo at kalakalan, ang Ortigas Center. Ito ang ikalawang mahahalagang Central Business District ng Metro Manila, pati na rin sa buong bansa. Dito nag-oopisina ang mga kilalang banko tulad ng Banco De Oro (BDO), Asian Development Bank (ADB) at mga korporasyon tulad ng Grab, Shopee, Meralco, Rebisco, at San Miguel. Matatagpuan rin dito ang mga naglalakihang mall tulad ng Robinsons Galleria, The Podium, SM Megamall, at Shangri-La Plaza.

Mga gusali sa kahabaan ng ADB Avenue

Dahil Linggo kami lumabas, hindi na namin nakita ang karaniwang daloy at dagsa ng mga empleyado patungo sa kanilang mga opisina at mga taong naglalakad ng kung anu-anong dokumento at papeles. Tahimik ang Ortigas Center. Kada Linggo rin sinasara ang Emerald Avenue, na ngayon ay pinangalanan na F. Ortigas Jr. Road, para mag-jogging ang mga nakatira sa mga malalapit na condo. Halos walang nang tao pagkarating namin doon dahil hapon na at marami ay nagpapalamig sa mall o ‘di kaya’y
nasa sari-sariling bahay. Nalibutan din namin ang Ortigas Park, kung saan kinikilala ang tatak ng pamilyang Ortigas at ang kompanya na silang nagdebelop ng Ortigas Center.

Matahimik ang Emerald Avenue tuwing Linggo
Klase ng Geog 135 sa Emerald Avenue

Bago kami dumako sa susunod na Geog Stop, nagpalamig at nagpahinga muna kami sa isang kapihan sa kahabaan ng Emerald Avenue. Narasanan din namin ang pahirap na akyat-baba sa Ortigas Station sa sakayan ng EDSA Carousel. Nakita rin namin ang ginagawang tawiran ng SM para mas madaling makapunta sa sakayan. Magandang proyekto ito ngunit tinanong namin ang isa’t isa, kailan kaya matatapos?

Geog Stop # 6: MOA

Sumakay ang klase sa EDSA Carousel at jeep papuntang SM Mall of Asia. Hindi para mag-mall pero para mapag-usapan ang mga isyu na umiikot sa Manila Bay. Umakyat ang klase sa rooftop ng mall kung saan kita ang ferris wheel, ngunit ang mas nakatatawag pansin ay ang mga proyektong pumapaligid sa Manila Bay. Ang Manila Bay ay inanunsyo ng DENR bilang “Key Biodiversity Area” na panganakan ng mga isda at puntahan ng mga ibong lagalag. Habang nakatayo pinag-usapan ang mga proyektong reklamasyon, na kung saan halos sampu na ang inapruba, isa na rito ang “Pasay Harbor City Reclamation Project.” Napaupo rin ang klase para pag-usapan ang mga hazards na maaaring mag-resulta dito tulad ng land subsidence, liquefaction, at pagbaha. Naisama rin sa diskusyon ang mga epekto sa lokal na hanapbuhay dahil maaapektuhan ang huli ng mga mangingisda at maaaring makaranas din sila ng pwersahang pagpapaalis. Nagkaroon ng pagkakataon magpahinga ang klase habang natuloy ang kwentuhan ukol sa Manila Bay at ang pagbabahagi ng iba’t ibang pananaw ukol dito.

Isa sa mga binitawang tanong na magandang pag-isipan ay kung mapagsasabay kaya ang rehabilitasyon at reklamasyon kaugnay ng Manila Bay. Wala masyadong nakapagbigay ng opinyon dito, ngunit tumatak naman sa bawat isa ang kahalagahan at kontradiksyon ng urban development sa mga alalahanin tulad nito.

Geog Stop # 7: Pasig River Esplanade

Sa Pasig River Esplanade (PARES) na aming huling destinasyon para sa academic field activity na ito, nasilayan namin ang muling pagbuhay ng ilog bilang byaheng pampubliko at pangkultura. Kitang-kita sa lugar ang lumang Jones Bridge at arkitekto nitong tulay sa Intramuros. Pinalamutian ito ng mga lampara at upuang talahatan, na tila pagguhit sa kasaysayan ng Maynila sa bago nitong anyo. Hindi mawala sa aming mga mukha ang pagkamangha sa ganda nito lalo na’t dumating kami sa PARES nang gabi.

Sa aming pagbisita sa Pasig River Esplanade, hindi lamang namin pinagnilayan ang ganda ng tanawin kundi tinalakay din ang mga banta ng Pasig River Expressway
(PAREX). Bagamat ipinapakita ito bilang solusyon sa trapiko, maraming eksperto ang nagsasabing magdudulot ito ng mas matinding polusyon sa hangin at tubig, at
magpapalala sa urban heat island effect sa paligid ng ilog. Ang pagtatayo ng anim na linyang expressway sa ibabaw ng ilog ay maaaring magdulot ng pagtaas ng temperatura sa mga kalapit na komunidad at magpapababa ng kalidad ng hangin, na may masamang epekto sa kalusugan ng mga residente.

Nabahala rin kami sa epekto ng PAREX sa ekolohiya ng ilog. Ang pagtatayo ng mga haligi sa ilog ay maaaring makasira sa natural na daloy ng tubig at magdulot ng pagbaha sa mga kalapit na lugar. Bukod dito, ang anino ng expressway ay maaaring humadlang sa sikat ng araw na mahalaga sa mga organismo sa ilog, na maaaring magdulot ng pagkasira ng ekosistema. PARES vs. PAREX? Puwede bang pareho, o kailangang isa lang? O, ang mas importanteng tanong dito, sino ang dapat magdesisyon?

Sa pagtapos ng aming field activity, nagtipon kami sa gilid ng PARES upang talakayin muli ang pangunahing aral na iniwan ng bawat lugar na aming pinuntahan. Bagaman maraming aral talaga ang matututunan, tumatak ang ideya ng mga sinabi ni Sir Jake. Para bang sinasabi niya na “The city is in the eye of the beholder,” kaya naman ang bawat siyudad ay may kanya-kanyang lente: meron talagang naniniwala sa humanistic approach, na binibigyang diin ang tao at kultura bilang sentro ng urban planning; may sumasalig sa environmentalist perspective, na itinuturing ang kalikasan bilang matatag na haligi ng pag-unlad; at mayroon ding managerialist view, na nakatuon sa epektibo at matipid na pamamahala ng espasyo at gamit. Dito natutunan na walang iisang tama o mali pagdating sa urban development, dahil ang mahalaga ay nauunawaan natin na ang bawat lungsod ay bumabagal o bumibilis batay sa pilosopiyang nais nitong sundan; at ang tunay na hamon ng urban geography ay malaman kung paano pagsasamahin ang mga lenteng ito upang makalikha ng lungsod na hindi lang matibay, kundi makatao at makakalikasan.

Kuhang-kuha sa mga litratong ito ang ganda ng Pasig River Esplanade. Pinantayan din ng mga gwapo at magagandang dilag ng Geog 135 WFY ang tanawin ng lugar.

Sulat nina: Vinz Angelo Imperial, Abigaile Hechanova, Maybelle Soliman
Pitik nina: Ethan Catre, Florence Lazarte, Knisha Payuran, Jake Rom Cadag
Edit ni: Christian Dicen