Julia Mendoza, Matthew Gabriel Plata, Patricia Perez, Yunie Mariel Lelis, Gem Eva
Masinna, Erick Amos, Joshua Gabriel Romero, Peter Allaine Cruz Jr., Daniel Demegillo, Meluisa Montealto, Azalea Catalan, Aliyah Eunice
Maramag | PI 100 [The Life and Works of Jose Rizal
] WFR Class

Posted on February 3, 2026

Mag-aalas otso na ng umaga nang matipon ang klase ng PI 100 WFR sa harap ngtanyag na simbahan ng Manila Cathedral. Hindi alintana ng mga naunang estudyante ang paghihintay na dumating ang iba pa dahil nabusog ang kanilang mata sa kariktan ng gusali sa kanilang harapan na pinalibutan pa ng matingkad na sinag ng araw at maaliwalas na langit– panahong hinintay ng buong klase upang ganapin nang tuluyan ang lakbay-aral.

Matapos ang maikling pagpupulong na pinangunahan ng aming gurong tagapayo, Dok Nak, ay humayo na ang klase patungo sa aming unang destinasyon. Tahimik kaming pumasok sa loob ng Manila Cathedral bilang paggalang sa misang kasalukuyang ginaganap. Marami-rami na rin ang taong nagsisimba noong umagang iyon at sa unang ilang minuto ng aming limitadong oras sa simbahan ay piniling ilan na maupo saglit at magdasal.

Sa pagkakatunghay namin sa marikit at taimtim na espasyo ng pananampalataya,
marami sa amin ang napukaw ang damdamin at nag-alay ng panalangin. Pambihirang
pagkakataon na ring titigan ang buong kagandahan ng Katedral.

Mayroon ding maliit na espasyo sa loob kung saan nakahanay ang kasaysayan ng Manila Cathedral. Nakapaskil sa malalaking letra ang katagang “Monument to resilience,” dahil ang simbahan ay ilang beses nang gumuho at nasira. Kaya naman, ilang ulit na rin itinayo at pinagtibay muli sa paglipas ng panahon. Bilang Mother Church of the Philippines, ito ay kinikilalang sagisag ng katatagan ng diwang Pilipino.

Habang patungo kami sa aming ikalawang destinasyon ay may isang rebulto na pumukaw sa aming atensyon. Kaya naman, dali-dali namin itong pinuntahan at natuklasan namin na ang rebulto na ito ay tinatawag na Memorare. Sinisimbolo nito ang 100,000 tao na namatay at yumao noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Huminto kami rito, nanalangin, at ipinagdasal ang kapayapaan para sa mga yumao.

Monumento ng Memorare Manila – 1945

Mula sa kalye, sinalubong na kami ng cobblestone, bakas ng sinaunang taon na nagpapaalala sa amin na ang lugar na ito ay hindi lamang saksi na sa pagbabago ng ating bansa sa lumipas ng mga panahon, ngunit isa ring matibay na patunay ng mayabong na kasaysayan ng ating bansa. Sa entrada pa lamang, kapansin-pansin na ang pinaghalong kultura: Ang mga Chinese fu dogs o guardian lion statues ay tila nagbabantay sa harap ng malaking Baroque na Simbahan. Ang Simbahan ng San Agustin ang pinakamatandang simbahang bato sa Pilipinas. Itinayo ito noong 1586-1607 at kasalukuyang kabilang sa National Cultural Treasure. Ito ay gawa sa adobe stones at sumusunod sa estilong Earthquake Baroque para makayanan ang lindol. Ito ang tanging estruktura sa Intramuros na nakaligtas sa Battle of Manila noong 1945.

Pagpasok mo sa loob ay lalo mong mauunawaan ang yaman ng sining at pananampalatayang itinatak ng mga Espanyol sa pamamagitan ng magagarang anyo ng simbahang katulad ng San Agustin Church. Ang vaulted ceiling ay pinalamutian ng malalaking trompe-l’œil frescoes, na pininturahan ng mga Italian scenographer na sina Giovanni Alberoni at Cesare Dibella noong 1875. Ang teknik na trompe-l’œil ay nagbibigay ng ilusyon ng three-dimensional architecture sa patag na kisame. Makikita rin sa loob at sa katabi nitong kombento ang isang mayamang koleksyon ng 19 na retablos o altarpieces.

Bukod sa isa sa pagiging sagisag ng katolisismo sa bansa, isa ring huling himlayan ang San Agustin Church. Dito nakaburol ang mga mahahalagang pigura sa kasaysayan ng kolonyal na Pilipinas. Ang pinakaprominenteng nakahimlay dito ay si Miguel López de Legazpi, ang Espanyol na conquistador at nagtatag ng Maynila. Kasama rin sa mga inilibing ang iba pang Gobernador-Heneral at mga elite, tulad nina Juan de Salcedo at Martín de Goiti. Ang kaugalian na ilibing ang mga elite sa loob ng simbahan ay sumasalamin sa kolonyal na gawi na magpahinga sa sagradong lugar lalo na noong maagang panahon ng kolonisasyon ng mga Espanyol.

Mga nitso sa sahig ng San Agustin Church

Bilang isang UNESCO World Heritage Site, ang San Agustin Church ay nagbibigay-daan sa mga Pilipino at banyaga na maunawaan at mapahalagahan ang impluwensya ng Simbahang Katolika sa nakalipas na 500 taon. Ang pagbisita rito ay hindi lang paglalakbay sa nakaraan; ito ay pagpapatibay ng ating pagkakakilanlan sa gitna ng apat na siglo ng pananampalataya, katatagan, at sining.

Katibayan na isang UNESCO Site ang San Agustin Church

Pagkatapos mabisita ang dalawa sa mga makasaysayang simbahan sa Intramuros, ay nagtungo naman ang buong klase sa Casa Manila kung saan makikita ang isang halimbawa ng bahay na bato ng mga Kastila at mga Pilipinong elite sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Dito, nakita namin ang mga lumang kagamitan at mga magagarang muwebles na sumisimbolo sa karangyaan at kapangyarihan ng mga dating nakatira sa tahanan.

Mesa ng tanggapan

Ang unang sasalubong sa iyo sa pagpasok sa nasabing bahay na bato ay ang tinatawag na caida o antesala. Nagsisilbi itong tanggapan ng mga normal na bisita. Makikita rito ang ilan sa mga tradisyonal na muwebles kagaya ng kapiya o isang mahabang bangko at iba pang mga kagamitan kagaya ng lamesa, commode, sungkaan, at abacus. Dito na rin matatagpuan ang mga cuartos or silid-tulugan ng mga bisita kung saan magkahiwalay ang lalaki at babae.

Sa pag-akyat sa ikatlong palapag ay sasalubong ang sala mayor o ang malaking sala para sa pagtanggap ng mga pangunahing bisita. Halos triple sa laki ng caida ang sala mayor dahil dito tinatanggap ang mga makapangyarihan at marangyang bisita. Kaya naman, dito nakalagay ang magagara at maraming mga kagamitan at muwebles na simbolo ng karangyaan ng pamilya. Sa tuwing may kapistahan o pagtitipon, ay inililipat lamang nila ang mga kagamitan sa gilid upang magkaroon ng espasyo para sa mga baile at awitan.

Bukod pa rito, nakita rin namin ang iba pang bahagi ng bahay na bato kagaya ng comedor o ang hapag-kainan, cocina o ang kusina kung saan makikita ang mga tradisyunal na lutuan, cuartos o mga silid-tulugan ng mga nakatira sa tahanan, kasilyas o paliguan, at maging ang azotea o isang bukas na bahagi ng tahanan.

Larawan ng klase sa hagdan ng Casa Manila

Ang Casa Manila ay isang repleksyon ng kasaysayan, kultura, at pamumuhay ng mga Pilipino sa panahong kolonyal ng Espanyol. Sa bawat silid, muwebles, at mga kagamitang makikita sa loob nito ay nagpapakita kung paano hinubog ang ating pagkakakilanlan sa mukha ng arkitektura at disenyo. Bagaman unti-unti ng nawawala ang mga ito sa pagpasok ng modernisasyon, sa aming pagbisita sa Casa Manila ay nagawa naming makapagbalik-tanaw sa panahong puno ng pagbabago, impluwensiya, at tradisyon.

Ang sunod na pinuntahan ng klase ay ang Bahay Tsinoy, isang museong nagpapasilip sa naging buhay ng mga Tsino noon sa Pilipinas mula sa pre-kolonyal na panahon hanggang sa panahon ng pananakop ng Espanya, Amerika, at Japan. Nasaksihan ng klase ang iba’t ibang uri ng kalakalan na pinangunahan ng mga Tsino – mula sa barter hanggang sa pagbebenta sa ng mga prutas, gulay, isda, at iba pa. Naging malaking parte ang mga Tsino sa labor force ng Pilipinas mula noon pa man. Sa yugto naman ng kolonisasyon, bahagi pa rin ng ating kasaysayan, komunidad, at kultura ang mga Tsino.

Isa sa mga tampok ay tungkol sa dugong Tsino ni Rizal mula sa parehong magulang, lalo na sa panig ng kanyang tatay. Bagong impormasyon ito para sa ilan sa klase kaya’t nakabibighaning makita ang pigura ni Rizal sa museo. Nakadama rin ng personal na koneksyon ang mga miyembro ng klase na may ninunong Tsino. Maraming display ang museo na interaktibo at ginamitan ng teknolohiya. Isa na rito ang dayorama na nagsalaysay sa kasaysayan at pagbuo ng tanyag na Chinatown sa Binondo, Manila.

Sa paksa naman ng digmaan, malinaw na naipakita sa museo na ang mga Tsino ay naging kasangga ng mga Pilipino laban sa mga mananakop. Lalo na noong panahon ng mga Hapones kung saan itinuring na parang tunay na kapatid ng mga Tsino ang mga Pilipino. Nagsilbi itong kamulatan sa klase sa halaga ng pagkakaisa, pagtutulungan, at paggalang sa pinagmulan ng bawat isa. Hanggang sa kasalukuyan, makikita pa rin ang mahalagang papel ng mga Tsinoy sa ating komunidad – mula sa larangan ng serbisyo publiko at edukasyon, hanggang sa sining, negosyo, siyensiya, at teknolohiya.

Sunod na pinuntahan ng klase ay ang Fort Santiago. Ang Fort Santiago ay pinatayo ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1571 sa pwesto ng kuta ni Rajah Sulayman, ang huling katutubong Muslim na pinuno ng Maynila bago dumating ang mga Espanyol. Marami itong napagdaanan, tulad na lamang ng pagkasunog noong 1574 sa pananakop ng tsinong pirata na si Lin Feng (Limahong), muling pagpapatayo noong 1590, at ang muling pagiging isang kuta ng mga sundalo ng apat na kapangyarihan ng mga dayuhan (Espanya noong 1571, Great Britain noong 1762, Estados Unidos noong 1898, at ang mga Hapones noong 1942). Noong panahon ng mga Hapones, naging isang bilangguan at lugar ng torture.

Main gate ng Fort Santiago

Sa kasalukuyan, ang Fort Santiago ay tinaguriang National Shrine noong 1951, at isa ring National Cultural Treasure nito lamang 2014. Dahil malaki ang naging bahagi nito sa ating nakaraan, naging isang makasaysayang lugar ang Fort Santiago. Dito, naramdaman namin ang bigat ng mga pangyayaring naganap sa loob ng matibay nitong pader, mula sa pagkabilanggo ng ating pambansang bayani hanggang sa pagdurusang dinanas ng maraming Pilipino sa ilalim ng kolonya ng Espanyol.

Bukana ng lugar na kinatayuan ng selda ni Rizal noong gabi bago siya pinatay, ngayon ay teatro

Ang huling pinuntahan ng klase para sa Lakbay Aral ay ang Rizal Shrine na nakapaloob sa Fort Santiago. May mga museo sa loob nito kung saan nakapaskil ang mga
makabuluhang kaganapan sa buhay ni Rizal at ang kasaysayan ng lugar. Ang Dambanang Rizal sa Fort Santiago ay bahagi ng isa sa pinakamatandang gusali ng lugar. Itinayo ito bilang isang kuwartel na para sa mga Espanyol na sundalo noong 1593. Dito namin nasilayan ang silid piitan o selda kung saan ikinulong si Rizal noong 3 Nobyembre hanggang 29 Disyembre 1896. Saka lamang binuksan ang pinto ng selda noong matapos basahin kay Rizal ang sentensiya niya noong 29 ng Disyembre 1896. Noong araw na iyon din inilipat si Rizal sa katabing kuwartel na adobe kung saan naghintay siya ng pagbaril sa kanya sa Bagumbayan noong 30 Disyembre 1896.

Habang naglalakad kami sa mga pasilyo kung saan minsang naglakad si Rizal, naramdaman namin ang bigat at lalim ng kanyang sakripisyo. Hindi lang siya aral sa libro, naging totoo siyang tao sa harap namin. Sa Rizal Shrine, mas nakilala namin si Rizal bilang isang taong nagmahal nang lubusan sa bayan. Ang kanyang mga sinulat at likhang-sining ay nagpatunay ng talino at tapang na nagmulat sa isipan ng maraming Pilipino. Habang tinitingnan namin ang mga bagay na iniwan niya, naramdaman namin ang tindi ng kanyang sakripisyo at kung paano niya hinarap ang kalupitan nang may dangal at tapang. Naging inspirasyon ang kanyang buhay upang pahalagahan namin ang edukasyon, katarungan, at malasakit para sa bayan.

Mayroon ring mga Lego model exhibit ng mga lugar sa Maynila na isa sa mga huli
naming nakita. Para sa amin, pinapakita nito na pagkatapos ng lahat ng nangyari, ang tao ng kasalukuyan ay ginagamit ang nakamit nitong kalayaan sa patuloy na pagpapayaman ng kasaysayan sa mga malikhain at makabagong paraan. Inilalapit din nito ang kasaysayan sa mga kabataan na itinuturing ni Rizal na pag-asa ng bayan. Dito rin namin naramdaman ang ginhawa na mabuti at tayo ay malaya na. Ito ang pinaglaban ng ating mga ninuno at bunga ng marami nilang sakripisyo.


Nakita rin namin ang bilangguan sa ilalim ng lupa kung saan nararanasan ng mga Pilipinong mamatay dahil sa pagbaha sa tuwing tumataas ang tubig sa Ilog Pasig. Iba ang bigat ng pakiramdam habang naglalakad sa loob noong madilim at makitid na espasyo at pagbisita sa bawat lagusan at piitan kung saan namatay ang maraming mga Pilipino. Ang mga imahe ng mga napaslang sa nasabing piitan na nakapaskil ang lalong nagpasidhi sa aming damdamin na mahalaga ang hindi paglimot sa kasaysayan. Doon namin lubos na naunawaang ang kasaysayan ay hindi basta kwento lamang, ngunit tunay na karanasan ng mga Pilipinong dumanas ng hirap sa kamay ng banyaga. Ang kasaysayan ay hindi lamang tungkol sa mga bayaning tulad ni Rizal, kung hindi pati ang lahat ng ordinaryo at walang pangalang Pilipino na lumaban para sa ating bansa.

Pigura ng mga bilanggo sa kweba

Sa huli, maraming pwedeng mapulot na repleksyon mula sa naganap na lakbay-aral. Isa na rito ang samahan na nabuo ng buong klase. Dahil sa lakbay-aral, nabuo ang mga sandaling hindi namin inaasahan: ang kulitan, tawanan, at mga simpleng eksenang mas nagpalapit sa amin sa isa’t isa. Sa kabilang dako, mahalagang bigyang-diin din natin na ang lakbay-aral ay hindi lamang simpleng pagbisita sa isang kilalang lugar, kung hindi isa rin itong paglalakbay tungo sa pinagdaanan ng ating kababayan. Naging malinaw para sa amin na ang kasaysayan ay hindi lamang listahan ng mga dakilang pangalan, kundi koleksyon din ng kwento ng mga ordinaryong Pilipino at mga sakripisyong tahimik, mga karanasang hindi naisulat, at mga pangyayaring humulma sa ating pagkakakilanlan.

Litrato ng klase sa harapan ng Fort Santiago

Mula Manila Cathedral hanggang Fort Santiago, sumasalamin ang bawat isa sa mga gusaling binisita namin sa mga sakripisyo at laban nina Rizal at ng ating kababayan na wakasan ang paghahari ng mga kolonyalista at makamtan ang kalayaang ating tinatamasa sa kasalukuyan. Sa mga karanasang ito, mas nabigyang-buhay ang mga trahedyang dati’y binabasa lamang namin sa libro. Nagkaroon ng mukha at emosyon ang mga bayaning pinag-aaralan, at mas naugnay namin ang aming mga sarili sa mga pangyayaring humubog sa bansa. Sa bawat hakbang sa Intramuros, tila ipinapaalala sa amin na ang kabataang tulad namin ang magpapatuloy ng kanilang pinasimulan para sa isang mas payapa, makatarungan, at maunlad na Pilipinas.

Malinaw na ang lakbay-aral ay hindi lamang requirement ng kurso, kundi isa ring makabuluhang paglalakbay na nagbigay sa amin ng mas malalim na pag-unawa sa
kasaysayan, mas malinaw na pagtanaw sa ating pagka-Pilipino, at mas matibay na samahan bilang isang klase. Ang Intramuros ay hindi lamang naging destinasyon; ito ay nagsilbing guro, salamin, at tulay tungo sa paghulma ng aming pagkatao bilang mga mag-aaral at mga Pilipinong patuloy na inaanyayahang magbigay-buhay sa mga ipinaglaban ni Rizal. Sa huli, ang lakbay-aral ay naging paalala na mahalaga ang pagbabalik-tanaw sa ating pinanggalingan upang mas maunawaan ang kasalukuyan at maging mas handang harapin ang hamon ng hinaharap.

The authors are students of the PI 100 WFR class.