Guia Marie Mistades, Alvin Cabuco, and Ace Hernandez | PS 21 (Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas) THU Class

Posted on June 24, 2024

Lumiliyab man ang init ng panahon nang isinagawa ng klaseng Philippine Studies (PS) 21 THU ang kanilang lakbay-aral sa Bantayog ng mga Bayani noong ika-18 ng Mayo 2024, hindi nasindak, at tila mas pinainit pa ng karagdagang kaalamang nakalap ang lagablab ng hangarin ng mga mag-aaral na matuto mula sa naging danas ng mga martir at bayaning isinugal ang kanilang mga buhay noong panahon ng Batas Militar. 

Sa kabila ng pagpuna ng mga nakatatandang naniniwala sa ‘golden years’ ng administrasyong Marcos Sr., hindi naging hadlang ang kabataang edad ng mga mag-aaral upang palalimin at palawakin ang kanilang pagsulyap sa panahong tanging ang mga matatapang lamang ang may kayang ihatid ito sa anumang pakikipagtalastasan. Sa tulong ng naging tour guide ng klase, nakaroon ng bihirang pagkakataon ang klase na makarinig ng salaysay ng danas mula sa mga naging saksi sa mga kaganapan sa nasabing panahon, dulot na siya mismo ay aktibong nakibahagi sa mga protesta laban sa mga kawalang-katarungang gawain ng nasabing administrasyon. 

Bukod sa mga pangalang naka-ukit sa bantayog, hinarap din sa mga mag-aaral ang mga natatanging personalidad na nakibaka kasama ang sambayanan–mula sa mga pulitiko, mga relihiyoso, maging ang ilang miyembro ng tinataguriang mga elite na pamilya noon. Naging buhay na mga tagapagsalaysay ang mga dokumento at artepaktong naka-display sa museo ng Bantayog–mula sa mga makabuluhang imprenta ng mga diyaryo, magasin, maging ang ilang damit na pagmamay-ari ni Senador Ninoy Aquino.

Natapos ang lakbay-aral sa isang maikling film showing ng iba’t ibang mga audio-visual na materyal ng Bantayog, sa teatro nito. Nagkaroon din ng malayang diskusyon kung saan napagnilayan ng klase ang pagiging masalimuot ng panahon ng Batas Militar. Mula rito, hinamon din ang klase–bilang mga Iskolar ng Bayan–na manatiling mulat, kritikal, at aktibo sa mga umuusbong na isyung panlipunan, lalo na sa kasalukuyang panahon ng administrasyong Marcos Jr.


Guia, Alvin, and Ace are all students from the class PS21. Driven by the learnings and realizations they pondered on during their field trip, they created an output with the help of the class. Guia and Alvin came up with the write-up, and Ace edited the vlog.