By Althea Bataan, Summer Palanca, Jaures Escareal, Maria Fatima Mendoza, Kimberly Cassandra Jose, Princess Aleyah Morillo, Kimberly Cassandra Jose, Sam Rafael Reyes, Jessica Dyococo, Lance Gonzales, Brix Anthony Cruz | Philippine Studies 21 WFU Class

Posted on February 3, 2026


Ang Bantayog bilang Alaala ng Kabayanihan

Ang Bantayog ng Mga Bayani ay isang monumento at museo na nagbibigay alala sa mga martir at bayani na kumilos at lumaban sa ilalim ng Batas Militar ng rehimeng Ferdinand Marcos, Sr. . Itinayo ang Bantayog bilang isang memorial center, layunin nito ang panatilihing buhay ang diwa ng “katotohanan, kalayaan, hustisya, at demokrasya” sa pamamagitan ng mga programang nakaangkla sa tema ng “Never Again!” tulad ng pagpapalabas ng mga pelikula, eksibit, at iba pa.

Ito ay binuksan sa publiko matapos patalsikin ng People Power Revolution ang dating diktador na presidente. Nagsimula ito sa ideya ni Dr. Ruben Mallari, isang Filipino-American na doktor na nagmungkahing magsagawa ng memorial upang bigyang karangalan ang mga nasabing martir na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan at hustisya. Nabuo ang pinal na concept paper ng Bantayog sa pangunguna ni Dr. Ledivina V. Cariño, dating dekano ng UP College of Public Administration, at ng iba pang miyembro ng Bantayog ng mga Bayani Memorial Foundation.

Nitong ika-17 ng Nobyembre, 2025 ginanap ang lakbay-aral ng mga mag-aaral ng UP Diliman sa Bantayog ng mga Bayani. Layon ng Lakbay-aral na ilubog pa ang aming sarili sa naging pagpupunyagi ng bayan laban sa Batas Militar at hanguin ang mga aral mula rito upang kumilos sa kasalukuyang ginagalawan natin ngayon. Sa ganitong paraan, ang Bantayog ay may mapagpasyang papel para hindi malimutan ninuman  ang nakaraang dinanas ng mga henerasyon noon sa ilalim ng Batas Militar ng rehimeng Marcos Sr.  Gayundin, nais din naming  umambag sa mga hakbang na magtitiyak na hindi ito malilimutan ngayon at ng mga susunod na henerasyon.

ila ay ginabayan ng mga boluntaryo ng Museo, dalawang beteranong aktibista noong kasagsagan ng Martial Law, sina Ma’m Candy Yuzon at  Ma’m Tina Bawagan.

Patuloy na nananawagan si Ma’m Candy na ipaglaban ang mga karapatang pantao ng mga Pilipino. Siya ay dating kasapi ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) at ngayo’y parte ng grupong Seniors Kontra Kurakot (Seniors on the Move). 

Sa loob ng Museo, matatagpuan ang koleksyon ng mga litrato, mga memorabilia at likhang sining na nagpapaalala sa marahas na parte ng ating kasaysayan. Ang silid-aklatan na naglalaman ng mga libro at dokumento ay maaaring gamitin ng sinumang interesadong pag-aralan ang panahon ng batas militar sa ilalim ni Marcos Sr.

Ayon sa kanilang website, nais nilang palawakin at pagyamanin ang mga programa upang mas marami pang matuto sa mga karanasan ng mga nakibaka at nagsikap labanan ang panunupil ng diktadurya nang maiwasang maulit ito.

Nakilala din namin sina  Ma’m Tina Bawagan naman ay isang boluntaryong gabay sa museo matapos ang kanyang pagka-retiro sa pagiging guro ng Philippine Science High School noong 2019. Isa siya sa mga political detainee na nakaranas ng torture at pagpapahirap sa kamay ng mga sundalo sa Nueva Ecija.

Sa tulong ng kanilang mga kabatiran at karanasan, mas naunawaan ng kabataan ang tunay na nadarama ng mga Pilipinong nagdusa noong panahon ng Batas Militar.

Karanasan, Interpretasyon, at Pagsusuri sa mga Arkibo ng Museo Pilipinas bago ang 1972

Bago pa man ideklara ang Martial Law noong 1972, samu’t sari na’ng kaharasan at paglaban  ng mga mamamayan ang nangyari at naitala sa museo. Sa isang bahagi ng museo ay nakalatag ang mga pangyayari sa magkakasunod na taon mula nang unang nahalal na pangulo si Marcos Sr. Noong 1965 hanggang sa kanyang opisyal na ideklara ang Martial Law, kasama ang ilang mga naisulat na mga artikulo, dokumento, o mga nakuhang litrato.

Makikita sa talaan ang paglala ng sitwasyon sa bansa mula sa mga masaker tulad ng Lapiang Malaya noong 1967 at masaker ng Moro secret army sa Corregidor noong 1968, gayon na rin ang pag-usbong ng mga kilusang rebolusyonaryo, kabilang ang New People’s Army na itinatag sa Tarlac noong 1969, na tugon sa lumalalang pang-aabuso ng estado. Pagsapit ng 1970, tumindi ang tensyon sa pamamagitan ng First Quarter Storm, mga mararahas na engkwentro, at malawakang welga.

Ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita kung paanong unti-unting ginamit ang kaguluhan bilang katwiran upang ipataw ang Martial Law; isang hakbang na kalauna’y nagdulot ng matinding paglabag sa karapatang pantao, malawakang panunupil sa kalayaan, at pagkapinsala ng demokratikong institusyon sa bansa.

Benigno “Ninoy” Aquino

Maingay na nagpapahayag ang sulok na nababalutan ng dilaw–katulad ng lakas ng sakripisyo ni Ninoy, na nag-udyok sa libo-libong Pilipino na singilin ang katarungan mula sa malupit na diktador na nagpadugo hindi lamang sa blusang nakatanghal kundi pati sa ilang Pilipino. Ang kanyang mga salitang “the Filipino is worth dying for” ay sumasalamin sa maraming pang iba na nag-alay ng buhay, at siyang nagpasiklab ng galit at pagkakaisa ng taumbayan para sa kalayaan.

Kaugnay nito, isang talakayan ukol sa maaring naging “kapalaran” ng EDSA kung hindi pinatay si Ninoy ay dumating sa pamilyar na konklusyon: na ang pang-aapi at pang-aabuso ay laging susuungin ng sigla at tapang ng Pilipino, na isang espiritung hinubog ng kasaysayan ng pakikibaka. Gayunman, paalala rin itong hindi dapat hintayin ang mas marami pang pagdurusa bago hingin ang mabuting pamamahala.

Higit pa, dahil the power is always in the people, not in the people in power, hindi dapat pinupuri ang simpleng pagtupad ng mga politiko sa kanilang tungkulin. Kabilang dito si Cory Aquino na, bagama’t simbolo ng demokrasya, ay may mga kakulangang hindi dapat ipagwalang-bahala.

Ang Pamana ni Lean Alejandro

Hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan, lalo na ng mga mag-aaral ng UP Diliman, ang papel na ginampanan ni Leandro Alejandro, na mas kilala sa palayaw na “Lean,” sa pagpapatibay ng kilusang estudyante noong panahon ng Batas Militar. Sa eksibit na nakalaan para sa mga indibidwal na ipinaglaban ang katarungan, maingat na nakapuwesto ang pagkilala kay Lean sa bandang bungad, na siyang binubuo ng isang komprehensibong talambuhay, at iba’t ibang mga larawan ng kanyang mga karanasan bilang lider mag-aaral. 

Sinasalamin ng munting pagkilala na ito ang kahalagahan at kapangyarihan ng hindi pagkalimot, dahil bagama’t marami nang taon ang nakalipas, nananatiling simbolo ng katapangan at pagmamahal para sa bayan ang daan na tinahak ng mga aktibistang tulad ni Lean. Pinatunayan niya na walang pinipiling edad ang pakikibaka, at hanggang ngayon ay mararamdaman pa rin ang kanyang impluwensya sa patuloy na pagtaas ng kalidad ng mga pamantayan ng aktibismong pinangungunahan ng kabataan at mga estudyante. Higit sa lahat, pruweba ang buhay ni Lean—mula sa mga maagang yugto hanggang sa pinakahuling hantungan—na hindi matitinag ang mga iskolar ng bayan sa pagsasabuhay ng pagbabago at kabutihan.   

Sabado ng mga Aswang

Ritwalistiko at pinaliligiran ng kalansay—ganito itinanghal ng pintor na si Jaime de Guzman ang naging malagim at takaw-dugong pamumuno ng pamilyang Marcos at kanilang mga crony. Ipininta noong taong 1970—dalawang taon bago magsimula ang batas militar, ang “Sabado ng mga Aswang” ay unang iginuhit ni de Guzman sa isang imbitasyong kanyang natanggap mula sa Malacañang Palace. Ito ay isang alegorya para sa awtoritaryanismo na kanyang ipinamalas bilang folk ritual na nababalot ng takot at misteryo.

Agad na mapapansin dito ang labing-isang kalansay na nakapalibot sa isang pigurang may anyo ng tao na tila kanilang isinasakripisyo. Mapapansin ang isang mukhang may mga mata, ilong, at bigote na—ayon sa deskripsyon ng imahe—ay si Elias, isang mahalagang tauhan mula sa nobelang “Noli Me Tangere” ni Jose Rizal. Gayunpaman, sa opinyon ng isang boluntaryong gabay sa Bantayog ng mga Bayani, ito raw ay mukha ng pintor na si Jaime de Guzman na nagpapakita ng kanyang pagkamuhi sa asal ng mga Marcos at iba pa nilang kampon noong imbitahan siyang pumunta sa Malacañang Palace.

Ano pa man ang maging interpretasyon natin, makabuluhang malaman natin na nasasalamin ng “Sabado ng mga Aswang” ang pang-aabuso sa kapangyarihan noong batas militar at maging ang masidhing pagtindig laban dito.

Inang Bayan

Binuksan sa publiko ang monumento ng Inang Bayan kasabay ang Wall of Remembrance noong Nobyembre 30, 1992, Araw ni Bonifacio. 

Ang “Inang Bayan” ay gawa sa tanso, samantalang ang pedestal naman nito ay gawa sa semento na pininturahan ng pula. Mababasa rito ang taludtod mula sa Mi Ultimo Adios, ang huling tulang isinulat ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Isinalin sa Ingles, ang mga salitang ito ay nakaukit sa isang plaka:

I die just when I see the dawn break,
Through the gloom of night, to herald the day;
And if color is lacking my blood thou shalt take,
Pour’d out at need for thy dear sake
To dye with its crimson the waking ray.

May taas na 14-metro, ito ay sumasagisag sa pag-aalay ng sarili para sa bayang api at naghahangad na makamit ang kalayaan. Kalapit ang Wall of Remembrance, ang monumentong ito ay tumatayo bilang paalala at pag-alaala sa mga martir at bayaning nagsakripisyo ng kanilang mga buhay laban sa panunupil ng diktaduryang rehimen ni Marcos at ng Batas Militar.

Kasalukuyang inaayos ang lugar kung saan nakatayo ang monumento ng Inang Bayan upang maging mas aksesible ito sa mga bibisita sa Bantayog ng Mga Bayani.

Pahayag at Paninindigan

Bilang mga mag-aaral ng  Wika, Panitikan at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar (PS 21) , kami ay naninindigan na patuloy naming lilinangin ang aming mga kaalaman at kikilos laban sa mga katiwaliang  nagaganap ngayon sa lipunan nang sa gayon ay hindi tayo bumalik sa kung ano ang nangyari dati at sapitin ang parehong problemang magpahanggang ngayon ay ating nararanasan. Bilang mga mag-aaral ng PS 21, ang kahingian sa atin ay matuto at ipakalat ang ating natutunan mula sa apat na sulok ng ating silid-aralan.

Ngayong may matinding krisis na namang kinakaharap ang ating bansa sa kamay ng anak mismo ni Marcos Sr., ng mga Duterte, at iba pang mga ugat ng korapsyon, abuso, at iba pang mga problema ng ating bansa, hindi tayo maaaring manood lamang. Kung gaano kalaki ang ninakaw ng rehimeng Marcos Sr. noon, huwag natin hayaang ang anak naman niya at iba pang mga nakaupo sa pamahalaan ang magpatuloy ng parehong kasaysayan ng pagnanakaw at panlilinlang. Panahon na para manindigan at kumilos upang wakasan ang kultura ng pagnanakaw at pagpapahirap sa taumbayan. Sa gitna ng kasinungalingan at pang-aabuso ng mga may kapangyarihan, tungkulin nating  ipanawagan ang pananagutan. Tumungo sa lansangan, maki-isa sa mga pagkilos, ipakulong ang mga kurakot, at wakasan ang tatlong salot sa lipunan. Nasa kamay at boses natin ang pagbabago.


Ang mga may-akda ay mga mag-aaral ng Philippine Studies 21, Unang Semestre A.Y. 2025-2026.