
PI 100 Nakshies (Akda ni Klara Espedido at Ramil Reyes) | PI 100 WFR-1 Class
Posted on May 14, 2025
MAYROONG MANGILAN-NGILAN SA aming hindi unang beses na makaaapak sa makasaysayang pook ng Intramuros. Ika-16 ng Marso, sa ganap na alas otso ng umaga, narating ng klase ang hampang ng Aduana Circle. Sa labas pa lamang, nagbahagi na ng kinaadman ang aming tour guide: walang iba kundi si Ma’am Nancy Kimuell-Gabriel o sa klase’y tinatawag naming Ma’am Nak. Ayon sa kaniya, sa mismong Aduana sinisingil ang taripa ng mga inaangkat at niluluwas na produkto sa Filipinas noong ika-19 na dantaon. Dahil sa pamimirata at mga bagyo, dumaraan sa krisis ang kapuluan kapag hindi nakararating ang mga barko. Nang mga panahong iyon, sadyang nakasandig ang ekonomiya’t politika ng bansa sa monopolyo ng Espanya.

Pagkatapos ng ilang minutong bahaginan ay nagpasiya na ang klaseng pumasok sa isang malapit-malayong patunay ng kolonyalismo ng mga Espanyol. Habang nadaraanan namin ang bungad ng Intramuros, isang arkong gawa sa bato, para rin kaming bumabalik sa ilang siglong pamumuno ng Espanya. Natatanaw namin ang ilang mga gusaling mayroon pang lantad na bakas ng mananakop: banyagang grid patterns, mararangyang façade at asotea, plaza na nakatayo sa mismong sentro, at antigong simbahan. Magkakalapit lamang sila. Mahihinuha mula rito ang estratehikong pagpaplano ng mga Espanyol: ito ang pueblo, ang bunga ng reduccion, ang sentro ng kontrol, ng komersiyo, ng kalakalan, ng pananampalataya. Isang tanong ang kagyat na bumilog sa aming isipan: ilang katutubong Pilipino kaya ang nagpawis, nagka-kalyo, napagod, at napagsamantalahan sa polo y servicio upang matunghayan namin sa kasalukuyan ang mga gusaling binunga ng kanilang kapaguran?


SA MGA SUSUNOD na destinasyon ay nabisita namin ang mga lumang simbahan. Una kaming nagtungo sa Katedral ng Maynila na pitong beses na nasunog. Nabuwag ang simbahan sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sinunog ito ng mga Hapones at sinira ng puwersa ng mga Amerikano. Natapos lamang ang pagsasaayos ng Katedral ng Maynila noong 1958. Ilang minuto ang ginugol namin sa loob habang nagaganap ang misa. Mapayapa na ngayon ang simbahan. Sana’y hindi na ito muling patumbahin ng panahon. Pagkatapos, dumiretso kami sa San Agustin Church kung saan makikita ang ilang bilang ng tiles na may nakaukit na mga pangalan ng mga namayapang tao. May libingan sa loob ng simbahan. Nakapangingilabot na umapak sa sahig. Mistula naming inaapakan ang ilang bilang ng mga impluwensiyal na pigura. Binasa namin ang ilang pangalan: Miguel Lopez de Legazpi, Juan de Salcedo, Juan Luna, Martin de Goiti, at Pedro A. Paterno. Nasa ilalim ng aming mga paa ang kasaysayan!






Nilisan namin ang simbahan ng San Agustin upang makipagniig sa karangyaan ng Casa Manila. Wari kaming binihisan ng magagarbong damit habang inaakyat ang hagdan patungo sa unang palapag ng bahay-museo. Ang natagpuan namin sa loob ay silip sa mayamang pamumuhay ng mga alta sa panahon ng Espanyol. Mababakas ang alwan mula sa mga aranyang kaytitingkad, sa mga kuwartong ang kisame’y napipinturahan ng mga kerubin, sa salang kaylawak, sa hapagkainang magkakasya ang halos dalawampung tao, ang pook-lutuan kung saan makikita ang mga lumang palayok, banggirahan, gadgaran ng niyog, hurnuhan, at iba pang kasangkapan. Nawili ang klase sa pagtunghay sa lumang sistema ng palikuran: dalawang upuan ang makikita sa loob ng banyo. Dalawang tao rin kaya ang magkasabay na nagbabawas noon sa palikurang ito? Minarkahan namin ang mga sandali sa piling ng Casa Manila sa pamamagitan ng pagkuha ng kayraming larawan.






Sunod naming sinuyod ang isang gusaling patunay ng magkabigkis na kasaysayan ng Filipinas at Tsina. Sa Bahay Tsinoy namin nabasa ang maraming dokumentong makapagpapatotoo sa ugnayan-palitan ng mga Filipino at Tsino, magmula pa man sa sinaunang pamayanan hanggang sa mga susunod na dantaong ang bansa ay nasasaklot ng mga kuko ng mananakop. Isang interesanteng tuklas ang Mapa ng Murillo Velardo: patunay itong sa atin ang Scarborough Shoal. Mayroon ring nakapaskil na seramikong mga kagamitan at mga pigurang halaw sa mga totoong tao. Mayaman ang bahay-museo sa napakaraming yugto ng kasaysayang patunay na hindi lumabnaw ang relasyon ng Filipinas at Tsina.








PAGKATAPOS NG ISANG oras na pananghalian ay nagtungo ang klase sa huling destinasyon ng lakbay-aral: ang Fort Santiago. Sa loob nito ay matatagpuan ang politikal, ekonomikal, at edukasyonal na mga haliging binomba ng mga Amerikano bago sila nanirahan dito. Itinayo ang Fort Santiago noong ika-16 dantaon gamit ang mga batong volkaniko. Sadyang maraming mahahalagang pangyayari ang naganap sa Fort Santiago. Sa mga huling oras ng klase sa loob ng Intramuros ay naramdaman namin ang pagpihit ng oras pabalik sa nakaraan.

Nakilala namin ang matagal na naming binabasa sa klase ng PI 100: si Jose Rizal! Sa kaniyang dambana nakalagak ang napakarami niyang memorabilia. Mga kopya ng kaniyang liham, mga agam-agam, ang kaniyang pagkabata, pagsibol, pag-ibig, katalinuhan, mga librong naisulat, mga hayop na kaniyang natuklasan, mga damit na isinuot, at mga larawang nagpapakita ng kaniyang pagkataong malayo sa napakaseryoso niyang pigura. Habang nakatitig kami sa rebulto ni Rizal na nakaupo sa parehong piitan kung saan niya ginugol ang huling mga sandali ng kaniyang maikling buhay ay nagmistula kaming mga voyeur: mga manonood sa isang bayaning hindi nangiming magbuwis ng buhay para sa kalayaan ng Inang Bayan. Naisulat ni Rizal noong Disyembre 29, 1986 ang huli niyang liham sa kaibigang si Ferdinand Blumentritt: “Sa pagtanggap mo ng liham na ito, ako ay wala na. Bukas ng ika-pito, ako ay babarilin, ngunit ako ay inosente sa krimen ng rebeliyon. Mamamatay akong panatag ang konsensiya. Mabuhay ka nang mahusay, pinakamabuti at pinakamamahal na kaibigan…”






Hanggang sa pagpunta namin sa bartolina ay para kaming mga kaluluwang sinaniban ng kagitingan ni Rizal. Sa loob ng piitang nasa ilalim ng lupa, mararamdaman ang mabigat na atmospera; pinabibigat ito ng iniwang rubdob ni Rizal sa aming mga dibdib. Kasa-kasama namin siyang nakipagtitigan sa mga seldang napupuno ng tubig sa tuwing tumataas ang tubig sa Ilog Pasig. Ilang hiyaw at pagmamakaawa kaya ng mga Pilipino ang narinig ng mga dingding ng bartolina? Naroon pa rin si Rizal nang sumaglit kami sa Teatro ni Raja Solayman. Salamat sa Philippine Educational Theater Association (PETA) at sa kagila-gilalas nilang talino upang gawing tanghalan ang nagibang gusali. Nawa’y patuloy na alalahanin ang kasaysayan sa mga guho ng teatrong ito, sa mangilan-ngilang sira ng mga dingding na bumubuo sa Fort Santiago, at sa mismong lugar kung saan ipiniit si Rizal.



NILISAN NAMIN ANG Intramuros bandang alas-kuwatro ng hapon. Naghiwa-hiwalay ang klase sa labas ng Fort Santiago. Habang nagpapaalamanan, mababakas sa mukha ng bawat isa ang kaytamis na ngiti; ang nagsasalong damdamin ng giting, dangal, at pag-ibig sa isa sa mga bayaning nagpamana ng kaniyang hininga’t puso. Humakbang kaming palayo sa Intramuros. Mabibigat na hakbang. Nililisan namin ang isang silip sa kasaysayan. Ganitong bigat ng paalam rin siguro ang nasa dibdib ni Rizal nang isulat niya ang mga taludtod ng Mi Ultimo Adios:
Paalam, bayan kong minamahal
lupa mong sagana sa sikat ng araw;
Edeng paraiso ang dito’y pumanaw
at Perlas ng dagat sa may Silanganan.
Buong kasiyahang inihahain ko
kahiman aba na ang buhay kong ito.
maging dakila ma’y alay rin sa iyo
kung ito’y dahil sa kaligayahan mo…
Ang lakbay aral ng PI 100 Nakshies ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa kontribusyon ng mga sumusunod:
Komite: Mark Evangelista, Zoe Huertas, Marcus Mendoza, Jasmine Napeñas at Krystel Swin
Litratista: Marion Cruz, Rico Zyrus at Ashanti Tabelina
Bidyograper: Sean De Vera at Heart Perida
Patnugot ng Bidyo: Zoe Huertas at Aleja Velasco
May-Akda ng Artikulo: Klara Espedido at Ramil Reyes