Jhoedy Eriane D. Salar | PS 21 WFU Class

Posted on May 28, 2025

Hindi ko alam na may “Bantayog ng mga Bayani.”

Nang una ko nga itong marinig, sa pakiwari ko, marahil kawangis lang ito ng “Libingan ng mga Bayani.” Kuwinadro ko ang larawan nito hango sa mas pamilyar na pook at karanasan. Madalas kasi naming puntahan noon ang huli tuwing “Araw ng mga Bayani” bilang scouts. Dagdag pa, pareho itong nagtatampok ng mga “bayani.” Ngunit may mas sasaklap pa sa paghahambing na ito mula sa isa pang paunang impresyon. Una ba namang pumasok sa isip ko ang militar! Mga unipormado, mga pinuno ng estado, at iba pang madalas bigyang-pagkilala sa mga seremonya ng parangal. Silang mga lulan din ng kalupaan sa nabanggit na libingan. Sa katunayan, malayo at ibang-iba ito sa mismong natuklasan. Masinsinan ko tuloy pinaglimian kung bakit ganoon na lamang ang naging sapantaha ko. Naunawaan kong ito ay buhat ng katotohanang bukod pa sa umiiral na mga pambabaluktot sa kasaysayan, hindi kailanman naging lingid sa kamalayan naming mga mag-aaral ang mga personaheng “madalas” itampok bilang mga bayani. Hungkag pa lamang ang isipan, itinanim na ang iilang mukha, kuwento, at pangalang kinakabit dito. At sa paglipas ng panahon, patuloy itong pinapanatili sa apat na sulok ng mga kuwarto ng paaralan, saanmang baitang.

Ngunit sa isang pagkakataon, may pumasok na puwang. Isang paglihis mula sa nakasanayan. Sa patnubay ni Dr. Nancy Kimuell-Gabriel, ang aming “Ma’am Nak,” at sa kursong Philippine Studies 21: Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas, inilatag sa amin ang isang masaklaw na lente ng pag-unawa. Ang pagdalumat, hindi lamang sa loob ng silid-aralan isinagawa, kundi pati sa labas, sa pamamagitan ng Lakbay-Aral patungong Bantayog ng mga Bayani noong Marso 31. Dito, natalastas namin ang mga bayaning marapat na bigyan ng higit pang paggunita, pagkilala, at pagdakila, sapagkat pilit kinalilimutan at binubura sa kasalukuyang lagay ng bansang pinalalawig ang rebisiyonismong historikal. Dito rin, nabigyang-malay kami sa mga tagpo at mga pangyayaring hindi kailanman inilagay sa mga aklat ng kasaysayan sa eskuwelahan. At higit sa lahat, dito, nakilala namin ang mga bayaning patuloy na nagsisilbing tagabantay at tagapagpatayog nito.

Una kaming hinatid sa silid awdyo-biswal upang manood ng mga bidyong nagtatampok ng katotohanan hinggil sa Batas Militar. Sa malikhain at nakapamumukaw na pamamaraan ng mga bidyo, binigyang-tuon ang pagbabasura sa mga mito at kabulaanang ipinamumutawi sa kasalukuyang pambabaluktot sa kasaysayan, sa pamamagitan ng paglalatag ng ebidensya at estadistika mula sa mapananaligan na mga sanggunian. Bukod pa sa mga pinanood na mga fact-checking, higit na nakaantig sa akin ang pinakahuling pinalabas, kung saan ipinakita ang iba’t ibang kilusan at protesta noon hanggang ngayon, sa saliw ng awiting “Bayan Ko” nina Jose Corazon de Jesus at Constancio De Guzman. Matindi ang sapul nito, palibhasa’y hindi ko lubos mapinta ang naramdaman ko sa mga oras na iyon, gayong tumataas ang aking balahibo at nanggigilid ang aking mga luha. Marahil, dahil ito sa bigat ng kasaysayang matagal naming hindi lubos na naunawaan at sa diwa ng kolektibong paglaban na bihirang ilahad sa mga silid-aralan.

Sa paglabas namin sa silid na pinanggalingan, hinati kami sa dalawang pangkat. Kasama ako ng una. Sa lobby, unang bumungad sa amin ang eskulturang Utang na Labas ni Jerusalino “Jerry” Araos, dalawang obrang kahoy na naglululan ng matinding pahayag hinggil sa ekonomikong kalagayan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Marcos. Si Araos, isang artistang naging biktima ng Batas Militar at lumaban sa pamamagitan ng sining at pagkilos, ay ginamit ang imahen ng katawan na pinako upang ilarawan kung paanong “pinako sa utang” ang sambayanang Pilipino dahil sa dambuhalang utang panlabas na iniwan ng rehimeng ito. Utang na patuloy nating binabayaran hanggang sa kasalukuyan. Mapanlikha ang kanyang paglalaro sa konsepto ng utang na loob, na sa halip na maging tanda ng pasasalamat ay naging simbolo ng pambansang pagdurusa, hinahalintulad ang Pilipinas sa isang Kristong pinako hindi upang iligtas, kundi upang yurakan.

Sumunod naman kaming umakyat sa ikalawang palapag, kung saan matatagpuan ang Museo ng Bantayog, isang inarkibong espasyo na naglalahad ng patotoo sa lagim at tapang ng panahon ng Batas Militar. Sa bawat sulok nito, sumalubong ang mga larawan, pahayagan, modelo, at bagay na nagsisiwalat ng karahasan ng diktadura, mula sa mga detalyadong paglalarawan ng tortyur, gaya ng electrocution at waterboarding, hanggang sa mga rekreasyon ng selda ng mga bilanggong pulitikal. Ngunit igpaw sa pagpapakita ng paniniil, pinapanday rin ng museo ang diwang palaban ng mga mamamayang tumindig: mga estudyante, manggagawa, artista, kababaihan, at iba pang sektor.

Pagkatapos, tumungo naman kami sa monumento ng Inang Bayan na nililok ni Eduardo Castrillo. Itinanghal dito ang pigura ng babaeng may taglay na dalamhati ngunit hindi nawawalan ng tapang: tangan niya ang katawan ng isang martir habang nakaunat ang isang kamay paitaas, tila umaabot sa araw, sagisag ng pag-asa at paglaya. Sa ilalim nito, nakaukit ang isang saknong ng Mi Ultimo Adios ni Rizal sa tatlong wika—Filipino, Ingles, at Espanyol, na lalong nagpatingkad sa diwa ng sakripisyo at pagkakaugnay ng pakikibaka noon at ngayon.

Nagkita-kita ang dalawang pangkat sa Wall of Remembrance, ang pusod ng buong Bantayog. Dito, inukit ang mga pangalan ng tunay na mga bayaning tumindig sa gitna ng paniniil, mga estudyante, manggagawa, guro, pari, madre, at karaniwang mamamayan. Bawat pangalan ay tila patak ng ulan sa tuyot kong kamalayan. Wala na akong ibang nausal kundi isang tahimik na dasal para sa lahat ng nakaukit at hindi pa nauukit sa dingding na ito.

Matapos nito, naglaro kami ng tumbang preso with a twist! Bawat lata ay may nakasulat na salitang kaugnay sa mga isyung lumulutang noon at ngayon: “diktadura,” “confidential funds,” “red-tagging,” “human rights violations,” at marami pang iba. Ang bawat latang matutumba ay kailangang bigyang-kahulugan ng estudyanteng nakatama rito. Lahat ay nabigyan ng pagkakataong bumalik at muling subukan hanggang sa magtagumpay at makatanggap ng manipis na booklet na naglalaman ng mga naratibo at datos hinggil sa diktadurang Marcos.

Hindi magiging masigla at makabuluhan ang aming paglalakbay kung wala ang mga gabay na tumayong ilaw at haligi ng aming pag-unawa. Taos-pusong pasasalamat kina Ruben Felipe, Lody Padilla, Cristina Bawagan, Mae Rodriguez, at Rowell Gallo—mga kawani at volunteer ng Bantayog ng mga Bayani, sa bukas-palad na pagbabahagi ng kanilang malalim na kinaadman, personal na karanasan, at matibay na paninindigan. Bilang mga volunteer, wala silang natatanggap na sahod para sa kanilang hindi matatawarang paglilingkod at dedikasyon sa pagtataguyod ng isang kolektibong alaala para sa mga susunod na henerasyon. Katangian itong malinaw na salamin ng isa sa mga kahulugan ng salitang “bayani” ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino: pagtulong nang walang kabayaran. Higit sa lahat, walang hanggang pasasalamat kay Ma’am Nak na siyang naging tulay upang matalunton namin ang lugar na ito.

Sa wakas, alam ko na ang “Bantayog ng mga Bayani.”

Mababaw ang pahayag na ito kung daraanan lang. Samakatwid, malalim kung sisisirin. Igpaw kasi sa kaalamang umiiral ito bilang isang pook o estruktura, natalos kong ang tunay na naarok ng aking kaalaman ay kamulatan. Kamulatang may mga bayaning hindi matatagpuan sa mga aklat, hindi binibigyang-parangal sa parada, at hindi inililibing sa mariringal na sementeryo. Sa panahong marami pa sa aming kabataan ang hindi pa natatanglawan ng kabatirang ito, lalong tumitindi ang gampaning ipasa ang liwanag na aming natanggap. Liwanag na hindi nangangailangan ng ranggo, espada, o palamuti. Dahil ang bayani, hindi laging nasa entablado o pedestal. Kadalasan pa nga, siya ay mag-aaral, babae, guro, o mga taong may kagitingang magturo, magbahagi, at magbantay ng alaala at katotohanan—kahit walang kabayaran.


Ang Lakbay-Aral ng PS 21 Maligalig ay hindi maisasakatuparan kung wala ang kontribusyon ng mga sumusunod:
Komite: Sean Ayala, Lorenzo Gabriel Viray, Jhoedy Eriane Salar, at Jia Qi Lynelle Soon
Mga Litratista: Dr. Nancy Kimuell-Gabriel, Sean Ayala, Thirdy De Guzman, Jhoedy Eriane Salar, at Jia Qi Lynelle Soon
Iskriprayter at Patnugot ng Bidyo: Jia Qi Lynelle Soon
Boses ng Bidyo: Lorenzo Gabriel Viray
May-Akda ng Artikulo: Jhoedy Eriane Salar