By Phil Stud 101 Junakis | Phil Stud 101 WFX Class

Posted on February 3, 2025

Santong Dasalan bago ang Lakbay-Aral

Plenary Hall ng House of Representtives

Nag-anyong dasal na sa aming klase, kasama si Prof. Nak, ang pagkakaroon ng diskusyon hinggil sa mga mahahalaga at napapanahong isyu sa Pilipinas bago tumbukin ang laman ng syllabus. Tumatagal ito minsan ng labinlimang minuto o ‘di kaya naman ay kung napasarap ang pagpapalitan ng impormasyon ay hihigit pa sa inaasam na oras. Hindi naman kasi dapat ilayo ang mga karanasan ng mga Pilipino sa loob ng klase, at hindi rin dapat makulong sa mga textbook knowledge ang pag-aangkop sa kaalamang Pilipino. Bukod kasi sa sunod-sunod na mga expose ng mga kongresista, senador, at kahit mismo ang pangulo ay hitik din ang kaalaman ng aming propesor hinggil sa kasaysayan ng Pilipinas— na siyang laging naiuugnay sa mga kaparehong isyu noon pa man.

Introduksyon ang kursong Phil Stud 101 sa lahat ng mga tatahak ng programang Philippine Studies sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Sa kasalukuyang klase, karamihan ay mga mag-aaral ng Phil Stud at ang iba naman ay mula sa antropolohiya at iba pang programa. Mula rito, nagkakaroon ng iba’t ibang perspektiba ang klase ngunit nagkakaisa sa kung anong oryentasyon ang hinahangad ng kurso: makabayan, siyentipiko, at maka-masa.

Sa panahon mula noong nagsimula ang klase (Agosto) ay kasabay ding bumulusok ang mga flood control project scandals na kinasangkutan ng maraming kongresista, senador, at pangulo. Bawat araw ay tila naging teleserye ng hindi matapos-tapos na mga senate hearing kasama ang mga kontraktor, opisyal mula sa DPWH, at kung sino-sino pa. Ngunit tulad ng iba pang mga naging isyu na tinalakay noon sa loob ng mga plenary hall: walang naging solusyon ang umaatikabong isyung ito.

Unang buwan pa lamang sa kurso ay nagkaroon na ng student initiatives ang student councils na magkaroon ng mga walkouts sa loob ng campus. Gumambala ito sa klase ngunit dapat alalahanin ang esensya ng ganitong pagkilos. Ano pang halaga ng sigla ng pakikipagtalastasan kung hindi naman maidala sa labas ng apat na sulok ng kwarto?

Noong Setyembre 12, naitala ang mahigit dalawang libong mga mag-aaral na nakilahok sa campus-wide walkout ng UP Diliman. Makapal ang linya ng mga naka-itim habang iwinawagayway ang mga bandera ng mga organisasyon. Dalawa ang nakuhang pagkatuto sa kasaysayan mula rito: una, isa ito sa pinakamalaking hanay ng mga nagmobilisang mag-aaral simula pa noong 2016 kung saan ito ang panahong tanyag ang balitang paglibing sa diktador na si Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani, at pangalawa naman ay naging mitsa ito ng mga sunod-sunod na student-initiated walkouts at malalaking mobilisasyon sa EDSA, Luneta, at Mendiola. 

Mahalaga ang papel ng organisadong sangkaestudyantehan sa panahong ito kung saan tinatraydor nang harap-harapan ang taumbayan sa kanilang mga binabayad na buwis, na sana ay dekalidad na serbisyo ang kapalit. Kaya sa loob ng klase, hindi dapat lumalayo ang mga talakayan sa kung ano ang nangyayari sa bansa. Naging malaking opsyon tuloy ng klase ang pagpunta sa House of Representatives sa Batasan Hills kapalit ng nakasanayang Intramuros at National Museum. Kahit sabihing maaari namang makita sa telebisyon ang ganitong mga pagdinig ngunit kailangang isaisip na mas mahalaga pa rin ang personal na danas sa loob ng lunan kung nasaan naroon nagtatalastasan ang mga kongresista para sa kinabukasan ng bansa. 

Noong Nobyembre lang umugnay ang aming klase sa mga kinauukulan para sa aming lakbay-aral. Agad naming nilapitan ang ML Partylist na bitbit si Atty. Leila de Lima bilang kanilang kongresista upang magkaroon ng entry pass ang klase sa loob ng House of Representatives. Sinubukan din naming ikontak ang mga kilalang partylist na alam naming marami kaming matututuhan. Naroon ang Akbayan, Kabataan, Gabriela, at ACT Teachers, upang mapuntahan sila at mabigyan kami ng mga ideya hinggil sa kanilang mga nais ipanukalang mga batas sa panahong sunod-sunod ang mga panawagan ng taumbayan.

Para sa ML, naging pangunahing kontak namin si Chloe Ong na masinop umugnay at tumugon sa aming klase upang makapasok sa House of Representatives. Kinuha lang ang aming pangalan at ID, saka hinanda ang aming sarili sa may bandang south gate, habang suot-suot ang semi-formal attire, ay tagumpay kaming nakapasok.

Sa Hinaba-haba ng Prusisyon, sa House of Reps din ang tuloy

Sa hindi malamang rason, nagsimula ang pagdinig nang alas tres ng hapon. Mula sa south gate ay naglakad kami nang ilang metro patungo sa mismong gusali kung saan naroon ang plenary hall. Sunod-sunod ang paglista ng mga pangalan ng mga kalahok na para sa seguridad ng nakararami.

 Pagpasok, bumungad sa aming klase ang isang fair na naglalaman ng mga produkto sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Mabuting umikot dito ngunit di nagawa dahil kinailangan din naming makapasok sa plenary hall kung saan magsisimula na ang mga talastasan hinggil sa kinakaharap na mga isyu ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Bilang tradisyon, nagsimula ang sesyon sa pag-awit ng Lupang Hinirang na sinundan ng saglit na katahimikan para sa pansariling panalangin. Matapos ito ay isinagawa ang roll call ng bawat kongresista. Sa panahong ito pa lamang ay kapansin-pansin na ang kaniya-kaniyang kumpulan ng mga mambabatas. May mga munting bilog o grupo, kaliwa’t kanang kamayan, at maya’t mayang kuhaan ng mga larawan. Nakakatuwang isipin na matapos ang roll call ay inakala naming mauupo na sila sa kani-kanilang puwesto, ngunit nagpatuloy pa rin ang kanilang pag-uusap at pakikipagkamayan, na tila hindi pa lubusang nagsisimula ang pormal na sesyon.

Bukod dito, kapuna-puna rin ang maraming bakanteng upuan kahit opisyal ang araw ng sesyon. Malinaw na maraming kongresistang hindi dumalo, bagay na nagdulot ng pag-uusisa sa amin na karamihan ay unang beses nakasaksi ng aktwal na sesyon sa Kongreso.

Kasunod nito ay nagkaroon ng mga paglilista ng mga panukalang batas at pag-atas ng mga komite na tutupad sa gampanin na suriin ito. Binigyang-pagkilala rin ng mga mambabatas ang mga nakilahok sa kanilang pagdinig. Mayroong dalawa o tatlong grupo noon ang nasa upuan ng mga bisita. Ikinagagalak ng aming klase na matawag. Naramdaman namin ang pagkilala sa palakpak at pagdako ng tingin ng mga kongresista sa aming puwesto. 

Inabutan lang namin ang isang kongresista na nagmula pa sa Palawan upang talakayin ang mga kinakaharap na mga isyu sa West Philippine Sea. Mayroong hinandang bidyo na panimula sa kaniyang talumpati na saka pinanood sa buong bulwagan.

Matapos ang unang speaker, tumungo agad kami sa opisina ng ML Partylist upang makilala ang mga nasa likod ni Leila de Lima bilang kongresista. Sa pakikipagtalakayan, isang adyendang nakaugat sa pagwakas ng impunidad, pagbawi ng kapangyarihan mula sa mga abusado, at pagpapanagot sa estado ang ubod ng mga panukalang batas ng Mamamayang Liberal (ML) Partylist.

Ayon kay Atty. Philip Suali, matagal nang Chief of Staff ni Hon. Leila de Lima, patuloy ang kanilang trabaho kahit noong pinakulong ng dating Pangulong Rodrigo Duterte si Hon. de Lima noong 2017 dahil sa mga patong-patong na kaso, na saka naman napawalang-bisa.

Makatwiran at nakagagaan ng loob na sentral sa kanilang prayoridad ang EJK Bill at Truth Commission Bill, mga tugon sa libo-libong maralitang pinaslang sa eskinita, sa mga pamilyang pinakain ng bala, at sa mga komunidad na nilamon ng takot sa rurok ng “War on Drugs.” Sa pagbuo ng malinaw na depinisyon ng extrajudicial killings (EJK) at mekanismo sa pananagutan, mariin nitong kinukundena ang pagyurak ng karapatan at pagkitil ng buhay ng masang Pilipino.

Sa kanilang mga panukalang kontra-korapsyon, mas mapapabilis ang pagbabantay sa bank accounts ng mga tiwaling opisyal. Hakbang ito laban sa mga pulitikong lumilipas ang termino bago masilip ang kanilang nakaw na yaman. Kasabay nito ang pagpapalakas sa Civil Forfeiture Law na naglalayong bawiin ang mansyon, sasakyan, at iba pang kayamanang hindi maipaliwanag ang pinagmulan–malinaw na pagpapanagot sa mga sangkot na nakaupo.

Phil Stud 101 Junakis at ML Partylist

Sumunod naman naming pinuntahan ang opisina ng ACT Teachers. Tumambad ang mga staff ni Rep. Antonio Tinio saka magiliw kaming pinapasok sa mismong opisina ni Rep. Tinio. Mayroong pagkagulat dahil hindi namin inaasahang papaabutin kami sa espasyong iyon ngunit mas natuwa lang kami at kaniya-kaniyang humugot ng mga cellphone upang kumuha ng mga litrato sa malaking salamin sa kwarto ni Rep. Tinio.

ChiKabataan

Sa pakikipanayam naman kasama sina Hon. Renee Co at Chief-of-Staff Neo Aison ng Kabataan Partylist, ang kanilang mga prayoridad na panukalang batas ay ang STRAW Bill (HB 211) o Students’ Rights and Welfare Bill at DASERV Bill (HB 212) o Delivery of Accessible Services in Universities Bill na kanilang inihain sa unang araw pa lang ng pagsisimula ng 20th Congress.

Ito ay isang malaking panalo para sa ating mga mag-aaral sapagkat ang dalawang bill ay magkatuwang na isinusulong upang kilalanin at pangalagaan ang ating kabuuang karapatan at kapakanan—mula sa kalayaang magpahayag at mag-organisa, hanggang sa pagtiyak na may ligtas, makatao, at de-kalidad na kondisyon sa loob ng mga pamantasan. Pinapalawak nito ang konsepto ng tunay na “free public tertiary education” sa pamamagitan ng paghiling na hindi lamang libreng matrikula ang dapat tinatamasa ng mga mag-aaral, kundi maging ang mahahalagang serbisyong gaya ng libreng pabahay, pagkain, at serbisyong pangkalusugan. Sa ganitong paraan, iginigiit ng dalawang panukala na ang edukasyon ay hindi dapat maging isang pribilehiyo lamang, kundi karapatang dapat mapakinabangan ng lahat ng kabataang Pilipino.

Bukod pa rito, kanilang nabanggit ang pagsusumite ng ilang panukalang batas para sa pangangalaga ng kalikasan. Kabilang dito ang Magna Carta of Waste Workers Bill (HB 6413), People’s Mining Bill, Marine Mammals Bill (HB 6414), at House Resolution to Investigate the Disruptive Effects of a Dam in Pakil, Laguna (HR 519). Talagang kakikitaan ng sigasig sa paglilingkod-bayan ang KPL. Sa kasalukuyan, mayroong 136 principal-authored bills si Hon. Renee Co, at tinitiyak ng partido na hindi lamang kabataan ang kanilang nirerepresenta sa paggawa ng batas, kundi ipinaglalaban din nila ang kapakanan ng iba’t ibang sektor at ng masang Pilipino sa kabuuan.

Kaakibat nang nagdaang mga kilos-protesta ukol sa katiwalian ng rehimeng Marcos-Duterte na sumambulat sa mga maanomalyang flood-control projects, minabuti ng klase na tanungin ang tindig ng Kabataan Partylist sa umuusbong na kilusang pagpapatalsik sa parehas na Marcos at Duterte at ang pagtatag ng isang People’s Transition Council bilang isang interim na porma ng gobyerno. Binigyan ng masinsin na paliwanag ni Hon. Renee Co ang tindig ng KPL ukol dito, ayon sa kanya, bagaman extra-constitutional ang panawagan ng pagtatag ng isang transition council na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan, hindi ito labag sa konstitusyon at magsisilbing mainam na bentahe upang mabigyan ng tunay na reporma ang ating mga kababayan, mula sa mga magsasaka hanggang sa mga manggagawa. 

Natapos ang pakikipagusap ng klase sa Kabataan Partylist sa isang photo-op at paglikha ng isang video base sa sikat na trend sa internet, ngunit imbes na pawang katatawanan, ang naging panawagan ng klase ay—MULA SA KABATAAN, IKULONG NA YAN!

Phil Stud 101 Junakis at KABATAAN Partylist

Sa Lente ng Midya

Isa naman sa pinakamalalaking kapangyarihang umiiral sa loob ng House of Representatives ay ang midya. Gayunman, kapansin-pansin na karamihan sa mga miyembro ng midya ay hindi nakatuon sa mga nagaganap na talakayan sa plenary hall. Sa halip, may ilan na mas naroroon sa mga okasyong may inihandang mga paninda o aktibidad na hinanda ni Speaker Romualdez. Bukod dito, kakaunti lamang ang aktibong nakikitang nakatutok sa kanilang mga kompyuter upang magsulat at bumuo ng mga ulat o istorya. 

Ang ganitong mga obserbasyon ay nagpapakita ng limitadong pagganap ng midya sa kanilang mahalagang papel sa pagtugon at pagbibigay-linaw sa mga isyung panlipunan. Ang kapangyarihan ng midya na magbahagi ng impormasyon at balita ay madalas na hindi nabibigyan ng sapat na pansin, gayong malaki ang impluwensiya nito sa kamalayan ng publiko. Dito pumapasok ang pangangailangan sa isang holistikong paglapit—isang pamamaraan na hindi lamang nakatuon sa isang pangyayari, kundi sa kabuuang konteksto at implikasyon nito sa lipunan. 

Sa kasalukuyan, dahil sa bilis ng pagkalat ng impormasyon sa internet at social media, mas nagiging madali ring kumalat ang maling impormasyon o fake news, lalo na kung nagmumula ito sa mga pahinang walang sapat na beripikasyon. Mahalaga ang karanasan at obserbasyon ng midya sa loob ng House of Representatives, subalit nagiging problematiko ito kapag may paratang ng pagbaluktot o pagpapaikot ng mga istorya. Sa ganitong kalagayan, nagiging malinaw na ang balita ay maihahambing sa isang maskara. Iba-iba ang anyo at mukha depende sa anggulong pinili ng nag-uulat. Iba’t ibang perspektiba ang ginagamit sa paglalahad ng katotohanan, kaya’t mahalaga ang masusing pananaliksik at kritikal na pag-iisip sa paghahanap ng mga ebidensya.

Phil Stud 101 Junakis sa Media Room

Tuloy ang Paglalakbay Sapagkat Kinakailangan: Isang Pagwawakas

Sa pagmamasid at pagsusuri sa mga kinatawan sa House of Representatives, malinaw na ito ay isang espasyong politikal na nagsisilbing salamin ng mas malawak na tunggalian sa lipunang Pilipino. Sa Marxistang perspektiba, makikitang ang komposisyon ng HOR ay pinangingibabawan ng mga kinatawang nagmumula sa mayayamang uri—mga panginoong maylupa, negosyante, at mga dinastiyang pampolitika. Kapansin-pansin na ang paulit-ulit na pagbanggit ng magkakaparehong apelyido sa plenaryo at ang napakaliit na bilang ng sectoral representatives ay patunay na ang interes ng naghaharing uri ang madalas na naitatanghal, naipapasa, at napangangalagaan.

Sa patuloy na pagsulong ng panukalang mabuwag at supilin ang malaganap na dinastiyang politikal sa bansa, isa ang KPL, katuwang ang ACT Teachers Partylist, sa mga naghain ng panukalang batas (HB 209) na naglalayong ipagbawal ang pagkakaroon ng magkakamag-anak na sabay-sabay o sunod-sunod na humahawak ng kapangyarihang politikal, limitahan ang konsentrasyon ng poder sa iilang pamilya, at itaguyod ang mas demokratikong representasyon sa pamahalaan.

Ngayon at kailanman, higit na kinakailangan ang tinig ng mga kabataang Pilipino. Isang tinig na kritikal at malay sa bawat salitang kaniyang sinasambit, sa loob at labas man ng pamantasan. 

Sa mga paglalakbay sa iba’t ibang espasyo ng Batasang Pambansa namin naranasang makita ang mga panukalang batas na binabasa sa harapan ng mga kongresista, ngunit sa obserbasyon masusukat ang kanilang kakayahan sa pagtuos ng mga kinakaharap na mga hamon ng kulay . Sapagkat kahit saang sulok ka man tumingin, mapapansin ang hatian ng mga mambabatas ayon sa kanilang partidong kinabibilangan at maging sa kung saang interes sila tumitindig.

Sa paglalakbay na ito mas napagtibay pa ang pagkatuto ng mga mag-aaral ng klaseng Philippine Studies 101 na maging kritikal at bukas sa pagsusuri ng mga nasaksihang pangyayari sa loob ng batasan, at ito ay sa pamamagitan ng mga bahaginan at mga talakayang pagkatapos ng paglalakbay. 

Mahalaga ang mga ganitong uri ng paglalakbay, lalo na sa ganitong uri ng lokasyon at panahon, sapagkat isa ito sa mga paraan upang mapunan ang mga nais nating malaman sa loob ng Batasang Pambansa. Binibigyan tayo nito ng pagkakataon kung paano makilahok sa ating mga nasaksihan, at ito ay sa pamamagitan ng isang kritikal at makabuluhang pagdidiskurso. 

Sa loob, naroon ang mga kongresista na walang ibang ginawa kundi makipagtalakayan sa kapwa-kongresista at hindi na makikinig sa kabuuan ng pagdinig. Gayundin, nasa looob rin ng espasyo ang mga mambabatas na pagkatapos ng attendance, ay lalabas na agad na parang walang nangyari na pagdinig at pagpupulong sa mga mahahalagang usapin na kinakaharap ng bansa.  Ngunit may natitira pa naman at masinop na nakikinig ngunit bilang lang sa daliri. Sa ganitong mga pagkakataon tayo mapapaisip kung karapat-dapat ba na bigyan ng malaking sahod mula sa ating buwis at pagpapagod sa mga mambabatas. Mapapaisip: wala namang bawas sa kanilang sahod ang pagliban sa mga pagdinig at pagtalakay ng mga panukalang batas, maliban lamang doon sa tinatawag na public shaming (banggit ng Kabataan Partylist). Kaso ang nakalulungkot dito ay hindi rin natatablan ng kahihiyan ang ating mga mambabatas.

Gayunpaman, isang pag-asa na makatagpo ang mga mambabatas na may malasakit sa kapwa Pilipino. Mga mambabatas na tunay at tapat na pinaglilingkuran ang mga interes ng masa at ng lipunan. Sa simula pa lang ng pagpasok sa loob ng Batasang Pambansa, ramdam na ang kanilang malapit na puso sa mamamayang Pilipino. Lalapitan ka nila at titiyaking nasa maayos na kalagayan ka habang nakikinig sa pagdinig. Kung lahat ng mga mambabatas ay ganito, may pag-asang mabago ang sistemang nang-aalipin sa mga simpleng mamamayang Pilipino. Sila ang tunay at higit na kinakailangan ng ating bansa. Mga mambabatas na may puso, makabayan, makatao, at maka-Pilipino.

Bilang pangwakas, makabuluhan ang paglalakbay sa Batasang Pambansa. Maraming aral at konsepto na naluwal at ito ay patuloy na dinadalumat sa pamamagitan ng pagdidiskurso sa klase at maging sa labas ng klasrum. Kung bibigyan ulit ng isa pang pagkakataon para maglakbay sa Batasang Pambansa, hindi magdadalawang-isip ang buong klase na bumalik. Ngunit, kung ito ay posible, titiyakin ng mga mag-aaral na sisipatin ng katanungan ang bawat mambabatas. Uusigin ng mga kritikal at mapanghamong tanong tungkol sa mga sakit at suliranin na kinakaharap ng bayan. Hanggang sa matagpuan nila ang sarili. Hanggang sa matablan sila ng hiya. Hanggang maramdaman nila na sila ay mambabatas na nagsisilbi sa interes ng mamamayang Pilipino, at hindi ng mga naghaharing-uri sa ating lipunan.


Panoorin ang vlog ng mga estudyante mula sa Phil Stud 101.

Ang lakbay-aral ng Phil Stud 101 WFX na naganap noong Nobyembre 24, 2025 sa House of Representatives, Batasan Hills, Quezon City ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa kontribusyon ng mga sumusunod:

Komite: Charles Julian Gollayan at Yoshiaki Liongson

Biswal: Yoshiaki Liongson, Samantha Marie Catapang, Gem Capadosa, Sophia Sabdao, Julian Villa, at Pliny Judea del Rio

Titik: June Vincent Ordenacion, Justin Andre Sarmiento, Charles Julian Gollayan, Aela Quijano, Catlean Abago, Nick Cormanes, Ashley Nicole Fajardo, Red Pendon, at Angel Faye Fonacier