
Rizhel Kyla V. Dionisio | Anthro 198 [Special Topics] THV Class
Posted on April 21, 2026
Ang pagbisita ko sa Philippine School for the Deaf (PSD) noong narakaraang Marso 7, 2026, ang isa sa mga bago kong naging karanasan dahil unang beses pa lang akong nakaapak at nakapunta sa isang institusyon na pangunahing pinagsisilbihan ang mga taong may kapansanan (PWD). Noong araw na papunta pa lamang ako sa nasabing dako, marami ng tanong ang pumasok sa isipan ko lalo na’t wala akong sapat na impormasyon ukol sa mga pangyayari sa loob ng paaralan. Marami akong mga tanong gaya ng: “Ano kayang hitsura ng paaralan?” o “Lahat kaya ng staff doon ay Bingi?” Ang mga ito ay unti-unti namang nasagot nang makapasok na ako mismo sa unang gusali na matatanaw na sa tarangkahan ng paaralan. Pamilyar ang gusali sapagkat naipakita iyon sa mga naging pag-uusap sa klase noong mga nakaraang linggo, kaya doon na rin ako tumungo.

Kaagad akong pumasok sa pinto at napansin kong gawa sa kahoy ang inaapakan ko—isang bagay na mahalaga para sa mga Bingi dahil natutulungan sila nito na makaramdam ng vibration upang maging madali sa kanilang tukuyin kung mayroon bang tao o mga kaganapang nangyayari. Sa akin pang pag-iikot, kaagad kong napansin na hindi lahat ng gusali ay yari sa kahoy—karamihan sa mga naipatayo roon ay hango sa modernong disenyo ng mga pampublikong paaralan na sementado na. Bagaman malaking tulong ang sahig na gawa sa kahoy, mabilis kasi itong kapitan ng apoy na maaari pang pagmulan ng sunog. Gayunpaman, nakatutuwang malaman na mayroong ginagawang paghahanda at pamamaraan ang mga guro para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga mag-aaral at mga kawani gamit ang mga makabagong teknolohiya gaya ng pulang visual emergency alarms na nakakabit sa bawat dormitoryo at mga gusali.

Nang makausap na namin ang isa sa mga guro na nagbigay sa amin ng paunang impormasyon ukol sa PSD, nagulat akong malaman na nabubuhay ang paaralang ito sa mga donasyon. Nang marinig ko ang mga naglalakihang pangalan at negosyo na tumulong at patuloy na tumutulong sa kanila, hindi ko alam kung matutuwa ako. Oo, maaaring busilak ang puso ng mga tao sa likod ng mga donasyong ito pero hindi ko maalis sa aking isipan na mayroon pa rin itong adyenda, na ito pa rin ay pulitikal lalo na’t maraming mga pangalan at negosyo ang nais ipangalandakan na sila ay PWD-friendly para lamang sila ay sumikat. Pero sana mali ako. Sana hindi nila ginagamit at pinagsasamantalahan ang ideya ng pagiging PWD at mga PWD mismo para sa sarili nilang kapakanan. Kaugnay nito, bakit ba kasi hinahayaan lang ng pamahalaan na mamuhay sa mga donasyon ang paaralan at ang mga mag-aaral na Bingi? Ang iniisip ko, bakit hindi nabibigyan ng sapat na pondo ang paaralang ito lalo na’t nag-iisa lang ito sa Pilipinas? At iyon pa ang malaking tanong: bakit nag-iisa lang ang paaralang ito na para bang limitado sa iisang lokasyon ang mga Bingi? Maaaring sabihin ng gobyerno na kakaunti lamang ang mga Bingi sa bansa ngunit hindi pa rin iyon sapat na dahilan kung bakit iisang institusyon lang ay mayroon para sa kanila. Sa katunayan, paniguradong marami pang mga mag-aaral na Bingi ang hindi dokumentado at tiyak na marami ring mga Bingi na nais mag-aral ngunit nasa malalayong lugar. Paano nagiging karapatan ang edukasyon kung sa simpleng pagtatayo lamang ng institusyon ay hindi sila prayoridad? Kung ang dekalidad at maayos na edukasyon ay hindi na natatamasa ng karaniwang Pilipino na walang kapansanan, paano pa kaya ang mga PWD? Bakit pa ba kailangan nating magmakaawa para ibigay at ipagkaloob sa atin ang mga bagay na dapat basic lang naman?

Isa pa sa mga ikinalulungkot ko ay ang limitadong area of study na mayroon ang paaralan para sa kanilang mga mag-aaral na nasa senior high school. Ang maaari lamang nilang piliin na programa ay (1) Home Economics o kaya (2) Information Communication and Technology na nasa ilalim ng Technical-Vocational-Livelihood Track. Hindi ko maintindihan kung bakit ang mga PWD, partikular na rito ang mga Bingi, ay hindi nabibigyan ng malawak na oportunidad para makapili ng programang nais nilang tahakin. Tiyak ako na karamihan sa kanila, gaya ko rin noon, ang nais makakuha ng BA or BS sa kolehiyo, pero lagi kasi silang itinuturing bilang lesser than o bilang Other, kung saan pinaniniwalaan na “hanggang doon lang ang abot ng kanilang makakaya” dahil “may kabawasan” sa kanila. Bukod sa ganoong mga stereotype o misconception, isa ring ugat ng problema ang edukasyon na, gaya ng nabanggit kanina, hindi sila prayoridad. Hanggang ngayon, marami pa rin ang nangangapa sa kung papapaano ba dapat i-accommodate ang mga Bingi sa mga paaralan.
Sa sektor naman ng trabaho, hindi pa standard ang pagkakaroon ng Filipino Sign Language na makakatulong sana upang maiwasang magkaroon ng mga hadlang sa komunikasyon. Wala ring konkretong sistema ang gobyerno na magbibigay-suporta para sa mga Bingi na nais sanang makakuha ng white-collar jobs. Bilang patunay, sa isang pag-aaral nina Gatchalian et al. (2014), kanilang binanggit na ang dahilan kung bakit hindi gaanong tumatanggap ng mga PWD ang mga kumpanya ay dahil sa napakalaking gastos na kailangan nilang bunuin para lamang ma-accommodate ang mga PWD. Dahil dito, pipili sila ng mga aplikante na walang kapansanan o matinding kondisyon dahil mas madali silang pagsamantalahan at mas mabilis silang makapag-aambag sa produksyon. Napakalaking patunay ito na hindi pa rin bukas ang isipan ng maraming Pilipino, lalong-lalo na ng mga taong makapangyarihan, ukol sa kakayahan na kayang ipamalas ng mga PWD. Ang nakalulungkot lang, dapat matanggap natin na may iba silang pamamaraan kung papaano ginagawa ang mga bagay, pero hindi ibig sabihin no’n na hindi nila kaya. Magkaiba lang tayo ng nakagisnan at dapat nating matutunan na tanggapin iyon.
Tunay na marami akong nabaon sa aking pagpunta sa PSD. Ngunit hindi ko lang mapigilan na hindi malungkot o magalit sa estado na kinakaharap nila at kinakaharap ng iba pang mga Bingi. Oo, sa kabilang banda ay nakatutuwang malaman na halos wala silang ginagastos, nakakapag-aral sila sa pamamagitan ng sarili nilang wika, at halos lahat ng mga pasilidad nila ay may integrasyon ng makabagong teknolohiya. Habang naniniwala ako na maganda itong simula, hindi pa rin dapat tayo makuntento na ang mga iyon ay sapat na. Hangga’t may Bingi na hindi nakakapagkolehiyo, hangga’t may Bingi na hindi naaabot ang kanilang mga pangarap dahil sa pamamalakad ng lipunang ito, at hangga’t may mga Bingi na limitado sa espasyo—wala pa ring tagumpay.
Rizhel Kyla V. Dionisio is a graduating Speech Communication student at the University of the Philippines Diliman. She is interested in exploring bodies and disability, particularly the experiences of women, and aims to contribute to meaningful and inclusive projects that amplify disability narratives.
