
Alessandra Chrizel P. Pando | Socio 188 [Special Topics in Research Methodology] THW Class
Posted on May 28, 2026
Ang etnograpikong pananaliksik ng grupong Blooming: Sabsabong Ti Away ay hindi lamang isang simpleng pagdodokumento ng mga namumukadkad na makukulay na bulaklak sa kabundukan ng Atok, Benguet. Ito ay nagsisilbing mapagpalayang pagkilala at pag-unawa sa pulitika ng lugar, ekonomiya, at kasarian. Sa pamamagitan ng feminist ethnography, inalam namin ang tunay na sitwasyon ng mga kababaihang magsasaka sa kabila ng mabibigat na hamon ng responsibilidad sa pamilya, napapanahong mga krisis, presyo, at malupit na klima. Dito, nasilayan namin kung paano nila pinagsasabay ang pag-aaruga ng mga maseselang bulaklak at pag-aalaga sa kanilang sariling pamilya. Ang bawat bulaklak na kanilang naibebenta sa siyudad ay sumasalamin sa kanilang walang humpay na pagkalinga upang maitaguyod ang edukasyon at pangarap ng kanilang mga anak.

Higit pa sa kamangha-manghang tanawin ng Benguet, ang mga kababaihang magsasaka na ito ay haligi ng kalakalan ng mga sariwang pitas na bulaklak. Maingat nilang pinoprotektahan ang iba’t ibang klase ng bulaklak tulad ng lisianthus, snapdragon, at bellflower laban sa malupit na panahon, peste, at mga sakit na maaaring sumira sa kanilang pananim. Sa pagpasok namin sa kani-kanilang sariling taniman, mabilis naming naunawaan ang importansya ng greenhouse. Ang mga ito ay gawa sa plastik na bubong na may mga bakal bilang suporta. Ito ay hindi lamang simpleng silungan, kundi nagsisilbing depensa laban sa banta na maaaring mapaminsala sa kanilang mga tanim.

Sa likod ng bawat bulaklak na bumababa sa siyudad, may masalimuot na kontradiksyon sa pagitan ng kaalaman mula sa libro na ipinasa ng mga eksperto at ang kaalaman na nagmula sa karanasan ng mga magsasakang kababaihan. Sa kabila ng kakulangan sa pormal na edukasyon, ang mga kababaihang magsasaka ay nagpapakita ng sarili nilang pagkukusa upang matutunan ang pamamaraan ng pagtatanim, paggawa ng pataba, at teknik sa pagpapatubo ng bulaklak. Bagaman kinikilala ng ilang magsasaka ang pagbubulaklak bilang “magaan” na trabaho kumpara sa pagtanim ng gulay, madalas ay nakararanas sila ng double burden. Ang bente-kuwatro oras nila ay umiikot sa pagpasan ng anak sa likod habang nagtatanim, pagiging asawa, hanggang sa pagbuno sa mga gawaing-bahay.

Ang reyalidad na ito ay ipinapakita sa atin na ang sariling kagustuhan, identidad, at mga pangarap nila bilang kababaihan na makapagtapos, makapagnegosyo, o piliin ang ibang larangan ay maagang naipako sa iba’t ibang kadahilanan. Subalit sa halip na sila ay sumuko, ang pagtatanim ay kanilang naging sandata ng pag-asa. Ang pagtatanim ay hindi lamang trabaho, bagkus ito rin ay sining. Marubdob na isinasakripisyo ng mga ina ang kanilang lakas upang masiguradong makakamit ng kanilang mga anak ang kanilang sari-sariling pangarap na ipinagkait sa kanila.

Dito, napatunayan ng aming grupo na ang flower farming ay hindi lamang usaping pang-ekonomiya, kundi isang pagdadamayan at kolektibong pagkalinga. Sa pagkakaroon ng pagkakasundo at bayanihan, bukas-palad ang mga kababaihang magsasaka sa pagbabahagi ng mga binhi at kaalaman sa isa’t isa nang walang bakas ng kompetisyon upang sila ay sama-samang umunlad. Tunay nga na ang bawat bulaklak na bumababa sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas ay hindi lamang simpleng produkto para sa konsumerismo; dahil sa likod ng mga makukulay na bulaklak na ito ay ang mga kababaihang magsasaka na bitbit ang kani-kanilang kwento. Sila, kasama ang kanilang kamay na may bakas ng paggawa at matatamis na ngiti, ang tunay na yaman na nagpapanatili ng kagandahan ng Atok, Benguet.
Alessandra Chrizel P. Pando is a third-year standing student currently taking up Bachelor of Arts in Sociology at the University of the Philippines Diliman.
