
Juliana Juinio, Kevin Mark Jugao, Maria Clarissa Quiambao | PI 100 [The Life and Works of Jose Rizal] WFR-1 Class
Posted on September 1, 2026

Isang mainit na umaga nang ika-17 ng Pebrero, 2026, naglakbay-aral kaming mga mag-aaral ng PI 100 – WFR-1 sa Intramuros, sa gabay ng aming guro na si Ma’am Nak, upang maunawaan nang mabuti ang kasaysayan at konteksto ng lipunan sa panahon ni Rizal.
Sa ganap na ika-8 ng umaga ay makikita na ang iilang mag-aaral na unti-unting nagtipon sa harap ng Manila Cathedral—ang unang lugar sa aming itineraryo. Ang ilan sa kanila ay naglaan ng sandali upang magdasal sa loob ng simbahan, habang ang iba’y kumain naman ng taho nang alukin ng mga tindero. Bagama’t bihira ang lakbay-aral sa kolehiyo, kapansin-pansin ang pananabik ng bawat isa—isang pagkakataon upang hindi lamang makalabas ng apat na kwadro ng silid-aralan, kundi upang maranasan din mismo ang kasaysayan ng Maynila sa mga lugar na pinangyarihan ng mga ito.

Hindi nagtagal ay nagsimula na ang aming paglalakbay sa puso ng Intramuros—ang napapaderang lungsod na naging sentro ng kapangyarihang kolonyal ng mga Kastila sa Maynila. Alam natin ang Intramuros, ngunit ano nga ba ang etimolohiya nito? Nanggaling ito sa mga salitang Latin na intra (sa loob) at muros (pader). Itinatag ito noong ika-24 ng Hunyo, 1571, matapos ang pananakop ng mga Kastila sa Maynila sa pamumuno ni Miguel López de Legazpi. Bunga ito ng Labanan sa Bangkusay noong ika-3 ng Hunyo, 1571 na pinamunuan ni Tarik Soliman, ang siyang huling depensa bago mapasakamay ng mga Kastila ang Maynila.
Kapansin-pansin sa Intramuros kung papaano inorganisa ng mga Kastila ang kanilang nasasakupan, ang siyang konsepto ng isang pueblo. Sa loob nito, karaniwang makikita ang isang plaza sa sentro. Nakapaligid dito ang tanggapan ng pamahalaan, palasyo ng gobernador, at ang simbahan. Ito ay sumasalamin sa estruktura ng kapangyarihan sa panahong kolonyal.
Kaya naman napakagandang simulan ang lakbay-aral na ito sa sentro ng Intramuros—sa Manila Cathedral.


Ang aming unang destinasyon ay ang tinaguriang Mother Church of the Philippines: Ang Manila Cathedral. Makikita sa loob ang cathedra ng Arsobispo ng Maynila na sumasalamin sa kanyang upuan ng kapangyarihan sa buong Arkidiyosesis ng Maynila. Kaya’t tinagurian siyang bilang Mother Church dahil ang arkidiyosesis ang kauna-unahan sa Pilipinas. Siya ang nagluwal, tulad ng isang ina, sa iba pang mga diyosesis—tanda ng paglaganap ng Kristiyanismo sa bansa.
Sa labas pa lamang, kami’y manghang-mangha na sa kaniyang laki. Hindi natapos dito ang aming pagkamangha sapagkat pagkapasok pa lamang ay mas nakita namin ang ganda nito. Pag-apak pa lang ng aming mga paa sa interyor ng simbahan ay agad kaming nabighani sa matatayog na kisame, marmol na sahig, at masalimuot na arkitektura niya. Ang mga lagusan at eskultura na may inskripsyong Latin ay tila nagkukuwento ng mahabang kasaysayan ng simbahan at pananampalataya. Tulad ng sa tympanum ng katedral, ang inskripsyong ‘Tibi cordi tuo immaculato concredimus nos ac consecramus’ ay nagsasabing “Sa kaniyang kalinis-linisang Puso, ipinagkatitiwala at itinatalaga namin ang mga sarili.” Salamin ito sa malalim na debosyon ng mga Pilipino kay Maria, ang rason sa katagang “Pueblo Amante de Maria” o Bayang Sumisinta kay Maria.
Kung tutuusin, ito na ang ikawalong estruktura ng katedral bunsod ng mga lindol na nagpatumba sa mga ninuno nito. Bagaman ito’y nasisira, hindi nagpatinag ang pananampalataya, at ang bawat estruktura ay nagdadala ng kuwentong nakaukit na sa kasaysayan. Hindi rin maikakaila ang lakas ng dating ng tunog mula sa kaaayos lamang na engrandeng pipe organ—isang paalala sa gampanin ng relihiyon sa kolonyal na pamumuhay. Sa puntong ito, naging malinaw kung paanong ang simbahan ang naging sentro ng buhay panlipunan noong panahon ng Kastila.



Matapos namin bisitahin ang Manila Cathedral, naglakad naman kami patungong San Agustin Church, ang pinakamatandang batong simbahan sa bansa. Kilala ito sa hindi matibag-tibag na estrukturang hindi nagpatinag sa mga nagdaang lindol at digmaan ng panahon. Dahil sa katangiang ito, hinirang ng UNESCO ang simbahan bilang isang World Heritage Site. Hanggang sa kasalukuyan, ito ay pinamamahalaan ng mga Agustino.
Bilang bahagi ng pag-akit para pumunta sa simbahan, makikita sa loob ang mga lapida kung saan nakalibing ang mga noo’y itinuring na prominenteng tao. Kapag nilibot mo ang iyong paningin sa kabuuan ng simbahan ay makikita mo ang sahig na gawa sa cobblestone at ang kisameng hindi tinipid sa detalye ang disenyo; kitang-kita ang yaman at kapangyarihan ng simbahan noong mga panahong iyon. Matapos ang ilang sandali ng pagdarasal at pag-oobserba sa simbahan ay lumisan na kami patungo sa susunod naming destinasyon—ang Casa Manila.
Ngunit bago kami makarating doon, ilang hakbang lamang mula sa San Agustin Church ay matatagpuan ang dating kinatatayuan ng Ateneo Municipal kung saan nag-aral si Jose Rizal—isang mahalagang ugnayan sa ating pambansang kasaysayan.


Pagkatapos ang mataimtim na pag-alala sa kasaysayan ng mga simbahan sa Intramuros, binisita naman namin ang replica ng mga dating tirahan ng mga alta noong panahon ng Kastila—ang Casa Manila. Pagpasok namin sa loob, nahanap namin ang aming mga sarili na nakatayo sa entresuelo o mezzanine ng bahay. Ito ang nagsilbing waiting room para sa mga ka-transaksiyon ng may-ari ng bahay, o minsan kwarto para sa mga bisitang kapamilya.
Karugtong nito ang despacho, ang nagsisilbing opisina ng mga panginoong maylupa. Mapapansin dito ang pagpapakita ng mataas na antas ng literasiya at edukasyon gamit ang mga pribadong silid-aklatan kung saan ipinagmamalaki ang mga koleksiyon ng libro—isang bagay na napakabihira noong panahong iyon. Itong pagbabahagi na ito ng aming tour guide ang siyang naging simula ng kaniyang diskusyon sa kung paanong ang bahay na ito ay sumasalamin din sa antas ng pamumuhay noon. Ang bawat palapag ay katumbas ng isang katayuan sa buhay. Habang paakyat ka sa bahay ay pataas nang pataas ang antas ng mga taong maaaring tanggapin sa mga palapag na iyong madadaanan. Kagaya kanina, ang entresuelo ay para sa mga bisita o manggagawa. Ngayon, pagkaakyat sa antesala, dito na tinatanggap ang mga pangunahing bisita; ito rin ang mismong tirahan ng pamilya.
Sa palapag na ito, makikita ang mga volada. Ito ang makitid na daanan sa gilid ng bahay kung saan dumaraan ang mga katulong upang makalipat sa ibang kwarto habang may bisita sa loob ng bahay. Paraan ito upang maiwasan nilang makasalamuha ang may mga katayuan sa buhay. Sa ganitong kultura at pagtrato nakikita ang diskriminasyon ng mga mayayaman sa kanilang mga katulong—na tila ba hindi sila parehong mga taong may dignidad.
Pagkatapos nito, nakapasok na kami sa sala mayor. Dito ginaganap ang mga iba’t ibang aktibidad mula sa usapang negosyo o politikal hanggang sa mga kantahan at sayawan. Kitang-kita rito ang karangyaan sa buhay ng may-ari ng bahay kung saan ibinibida ang mga mamahaling bagay na karaniwang galing sa ibang bansa.



Sumunod ay ipinakita naman sa amin ang cuarto. Hindi nakakagulat na may pagkakaiba ang kwarto ng mga babae sa kwarto ng mga lalaki, dulot na rin ng hindi pagkakapantay ng tingin sa mga ito. Dinaanan din namin ang oratorio, comedor, cocina, letrina, baño, at azotea bago kami kumuha ng litrato sa palapag ng hagdanan sa patio.
Sumunod naman sa aming paglalakbay ang Bahay Tsinoy. Sa Bahay Tsinoy, ipinakita ang kasaysayan ng mga Tsino sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila. Dito makikita ang kanilang mahalagang papel sa kalakalan, lalo na sa panahon ng Galleon Trade. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng pagsasanib ang kulturang Tsino at Pilipino, na nagbunga ng identidad na “Tsinoy.”

Ipinapakita rin ng museo ang mga hamon na hinarap ng mga Tsino, kabilang ang diskriminasyon at paghihigpit noong panahon ng kolonyalismo. Sa kabila nito, nanatili silang mahalagang bahagi ng ekonomiya at kultura ng bansa. Sa kasalukuyan, ang Tsinoy identity ay sumisimbolo sa pagiging bahagi ng mas malawak na konsepto ng pagka-Pilipino.
Sa puntong ito, kami ay nag-tanghalian sa kani-kaniyang mga kainan. Sa ganap na ika-1:30 ng hapon, nagkita-kita muli ang lahat sa huling destinasyon namin—ang Fort Santiago.

Sa Fort Santiago, aming nakita ang isa sa pinakamahalagang makasaysayang lugar sa bansa. Itinayo ito noong 1571 bilang isang kuta ng mga Kastila upang ipagtanggol ang Maynila, at kalauna’y naging bilangguan ng mga Pilipinong lumaban sa kolonyal na pamahalaan.

Pagpasok namin sa loob, nagsimula ang aming karanasan sa panonood ng isang maikling pelikula tungkol sa kasaysayan ng Intramuros. Ipinakita rito kung paano naging sentro ng kapangyarihan ang Intramuros noong panahon ng Kastila, at kung paano ito halos tuluyang nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lalo na noong Labanan sa Maynila noong 1945. Marami sa mga gusali ang winasak sa matinding pambobomba, at libo-libong buhay ang nawala. Ipinakita rin sa pelikula kung paano muling itinayo at pinangalagaan ang Intramuros upang mapanatili ang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Pagkatapos namin panoorin ang pelikula ay binaybay namin ang init ng araw upang makatawid sa tulay papunta sa pangunahing bahagi ng Fort Santiago.






Isa sa mga pinaka-tumatak sa amin ay ang pagpasok sa mga dungeons o underground na bahagi ng Fort Santiago. Madilim, makipot, at mabigat ang pakiramdam sa loob—isang konkretong paalala ng hirap at karahasang dinanas ng mga bilanggo noon. Dito mas lalong naging malinaw sa amin kung gaano kabigat ang pinagdaanan ng mga Pilipino sa ilalim ng kolonyal na pamamahala.

Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makita ang mga yapak ni Rizal na nakaukit sa lupa. Ito ay simbolo ng kanyang huling paglalakbay mula sa kanyang selda sa Fort Santiago papunta sa Bagumbayan, kung saan siya binaril noong ika-30 ng Disyembre, 1896. Sa simpleng marka sa lupa ay ramdam ang lalim ng kahulugan at sakripisyo na iniwan niya para sa bayan.
Bago kami tuluyang umalis, nagtipon-tipon muna ang buong klase upang kumuha ng litrato—isang simpleng alaala ng aming pinagsaluhang karanasan sa loob ng Intramuros. Pagkatapos nito, unti-unti na kaming naghiwa-hiwalay, dala hindi lamang ang mga litrato kundi pati na rin ang mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan at sa kahalagahan nito sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

Ang aming paglalakbay sa Intramuros ay higit pa sa simpleng pagbisi-bisita at paggala-gala lamang sa mga lugar sa Maynila, dahil sa likod ng bawat estrukturang aming pinuntahan ay ang mas malalim na pag-unawa sa pinagmulan nating mga Pilipino at kung bakit tayo nasa ating kinalalagyan sa kasalukuyan. Kung paano nga ba na ang karumal-dumal na kolonyalismong pinilit tayong itali sa pamamagitan ng relihiyong ginamit nila bilang tanikala ay nag-iwan ng bakas sa ating pagka-Pilipino, kung paanong ang pakikibaka natin sa mga manlulupig ay humubog sa ating pagkatao bilang mga Pilipino.
Sa paglalakad sa mga kalsada ng Intramuros ay tila nabuhay ang mga pahina ng kasaysayan; naging malinaw na ang mga lugar ay testamento ng ating kolektibong alaala bilang mga Pilipinong may makulay na kasaysayan. Sa huli, ang lakbay-aral na ito ay nagsilbing paalala na ang kasaysayan ay hindi lamang mga petsa sa librong kailangang basahin at kabisaduhin – ito ay dapat maranasan, maunawaan, pahalagahan, at higit sa lahat, isabuhay nang buong puso.
Isinulat nina Jill Juinio, Kevin Jugao, at Clar Quiambao ang artikulo. Ang mga larawan at bidyo naman mula sa klase ay isinaayos naman nina Raed Atong at JP Quintero sa isang vlog.
